P5.95-B PINSALA SA IMPRASTRAKTURA; 104 LUGAR NASA STATE OF CALAMITY

TINATAYANG umabot na sa P5.95 bilyon ang pinsala sa imprastraktura dulot ng pinagsamang epekto ng mga bagyong Luis, Maymay at Neneng at ng Southwest Monsoon o Habagat, ayon sa Office of Civil Defense (OCD) nitong Huwebes, Agosto 27.

Samantala, iniulat ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) na 104 localities na ang nagdeklara ng state of calamity dahil sa epekto ng Habagat at tatlong bagyo.

Kabilang dito ang mga bayan ng Santa Barbara, Mangaldan, Bugallon at Mangatarem, gayundin ang Dagupan City sa Pangasinan.

Nasa ilalim din ng state of calamity ang La Trinidad, Benguet; Rodriguez, Rizal; Nasugbu, Batangas; at mga bayan ng Sablayan, Paluan at Abra de Ilog sa Occidental Mindoro.

Nagdeklara naman ng province-wide state of calamity ang provincial governments ng Bataan, Bulacan, Pampanga, Zambales at Cavite.

Sa ilalim ng state of calamity, maaaring maglabas ang pamahalaan ng emergency funds gaya ng Quick Response Fund at magpatupad ng price control sa mga pangunahing bilihin upang maiwasan ang panic buying at hoarding.

Pinabibilis din nito ang relief, rescue at rehabilitation efforts upang matugunan ang malawakang pagkasira, pagkawala ng ari-arian at pagkaantala sa normal na pamumuhay, negosyo at kabuhayan.

Batay sa ulat ng OCD alas-6 ng umaga, nasa P1.91 bilyon naman ang tinatayang pinsala sa sektor ng agrikultura.

Umabot na sa 7.7 milyong katao o 2.2 milyong pamilya ang naapektuhan ng sunod-sunod na sama ng panahon sa Ilocos Region, Cagayan Valley, Central Luzon, Bicol Region, Western Visayas, Zamboanga Peninsula, Calabarzon, Cordillera Administrative Region, Metro Manila at Mimaropa.

Sa naturang bilang, nasa 28,000 indibidwal o 8,200 pamilya ang nananatili sa 325 evacuation centers.

Nasa 31 katao naman ang naiulat na nasawi, 19 ang sugatan at tatlo ang nawawala.

Pinakamaraming nasawi ang naitala sa Benguet, kung saan 15 ang namatay, karamihan dahil sa mga landslide sa Baguio City, La Trinidad at Atok.

Umabot din sa mahigit 2,800 bahay ang napinsala, kabilang ang humigit-kumulang 2,500 partially damaged at 340 totally damaged.

Ayon sa OCD, umabot na sa P1.56 bilyon ang halaga ng tulong na naipamahagi ng pamahalaan sa mga apektadong komunidad.

Patuloy ang damage assessment at validation ng mga awtoridad kaya maaari pang magbago ang halaga ng pinsala at bilang ng mga apektado.

(JESSE RUIZ)

62

Related posts

Leave a Comment