UMANI ng papuri kay Philippine National Police (PNP) chief, Police General Guillermo Lorenzo T. Eleazar ang mga ahente ng Philippine Drug Enforcement Agency, PNP Drug Enforcement Group at Bureau of Customs sa pagkakasabat sa mahigit P16 milyong halaga ng ecstasy sa joint anti-narcotics operation sa Quezon City.
Nahaharap sa kasong paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 ang target ng isinagawang controlled delivery operation na kinilalang si Elisa Mae Ilas na naaresto sa
Barangay Tatalon, Quezon City matapos tanggapin ang package na naglalaman ng party drugs na nagkakahalaga ng P16.9 milyon.
Nakumpiska sa controlled delivery operation ang 9,948 ecstasy tablets sa BMA Street sa kanto ng Batulao Street sa Barangay Tatalon na nagresulta sa pagkakadakip kay Ilas.
“I commend our law enforcers who have successfully stopped the proliferation of these ecstasy tablets worth nearly P17 million.
Dahil sa maayos na koordinasyon sa pagitan ng mga ahensya, napigilan ang pagkalat ng mga ecstasy tablets na ito sa Quezon City at sa ibang bahagi ng Metro Manila,” ani P/Gen. Eleazar.
“Inatasan ko ang kapulisan na magsagawa ng mas malalim na imbestigasyon sa background nitong nadakip na suspek upang matukoy kung saang grupo o sindikato siya kabilang at nang mahuli natin ang iba pa niyang mga kasabwat,” dagdag pa ng heneral.
Nanguna sa nasabing operation ang mga tauhan ng Philippine Drug Enforcement Agency Regional Office 3; Clark Inter-Agency Drug Interdiction Task Group; PDEA-SIU SBMA; PDEA-SIU Bataan; PDEA-NCR; Quezon City Police District, at Bureau of Customs, Port of Clark.
Ayon kay Ilas, naglalaman ang package ng aabot sa 10,000 tablets ng party drug na ecstasy pero hindi raw alam ng suspek kung sino ang nagpadala sa kanya ng naturang package.
Sinabi naman ng PDEA na dumating ang package sa Clark International Airport mula sa bansang Belgium noong Nobyembre 3.
Sa magkahiwalay namang statement, sinabi ng Bureau of Customs (BoC) na ang illegal drugs ay nakatago sa apat na bed sheets mula sa shipment na idineklarang bed sheets, lady bag, relo, sapatos at tela. (JESSE KABEL)
189 