P162-B COVID FUNDS, APRUB SA BICAM

INAPRUBAHAN ng dalawang kapulungan ng Kongreso sa ginanap na bicameral conference committee hearing ang paglalaan ng halagang P162 bilyon bilang pantugon sa iba’t ibang
programa sa ilalim ng Bayanihan to Recover as One Act (Bayanihan 2) kaugnay ng pananalasa ng corona virus 2019 (COVID-19).

Inihayag ito ni Senate Minority Leader Franklin Drilon sa isang panayam sa radyo nitong Linggo ng umaga hinggil sa nagaganap na pagdinig ng bicam sa panibagong pondo vs COVID-19.

“Unang-una, ibig kong ipahayag na magkakaiba ang total amount. Sa Senado, P140 billion ang pondo, sa Kamara ay P162 billion. Nagkakasundo ang dalawang panig na siguro aabot tayo sa P162
billion. Payag ang Senado diyan,” ayon kay Drilon.

Sinabi ni Drilon na maraming programa at benepisyong nakatakda sa Bayanihan 2 kabilang ang libreng COVID-PCR testing na nagkakahalagang P10 bilyon.

Aprubado rin ang P15 bilyong cash for work program ng Department of Labor and Employment (DOLE) para sa manggagawang nawalan ng hanapbuhay sanhi ng COVID-19 at P17 bilyon bilang
cash subsidy sa empleyado ng small business.

“Mayroon ding P50 billion para sa loan program sa pamamagitan ng LBP, DBP; mayroon ding para sa agriculture na P17 bilyon; at transportation industry, P10 billion. Although pinag-uusapan pa
kung saan mapupunta ito,” ayon kay Drilon.

Inihayag pa ni Drilon na mayroon pang social amelioration program (SAP) sa Bayanihan 2 na nagkakahalagang P5,000 hanggang P8,000 depende kung saang lugar.

“Ihabol ko lang, yun pong mga utang o loans pala, may 60 days grace period na napagkasunduan sa bicam,” dagdag ni Drilon.

Ayon kay Drilon, kukunin ang naturang pondo sa mga proyektong hindi pa nasimulan tulad ng P15 bilyon sa Tourism Infrastructure and Enterprise Zone Authority (TIEZA). (ESTONG REYES)

183

Related posts

Leave a Comment