P2-B COVID-19 FUND NAGLAHO

PATULOY na hinahanap ng Mababang Kapulungan ng Kongreso ang halos P2 bilyong pondo ng COVID-19 dahil hanggang ngayon ay hindi maipaliwanag ng mga opisyales ng Procurement Service-Department of Budget and Management (PS-DBM) at Department of Health (DOH) kung saan ito napunta.

Sa pagdinig ng House sub-committee on appropriation, lumalabas na hanggang ngayon ay hindi pa nali-liquidate ang nasabing halaga na bahagi ng P47.6 billion na inilipat ng DOH sa PS-DBM para pambili ng mga Covid-19 pandemic supplies.

Sa interpelasyon ni House deputy majority leader Alfred delos Santos, inamin ng PS-DBM at DOH na mahigit P45 billion pa lamang sa nasabing pondo ay nali-liquidate na habang mahigit kumulang sa P2 billion ang hinahanap pa.

Ayon kay DOH Usec Achilles Gerard Bravo, P1.197 billion halaga umano ng Covid-19 medical supplies ay hindi pa umano naidedeliber; P363 million ang unrecorded dahil sa kawalan ng mga dokumento, P141 ang ongoing delivery at P11 million ang umano’y “for reconsideration”.

Inamin naman ni PS-DBM executive director Atty. Dennis Santiago na P45 billion na ang kanilang naliquidate sa nasabing pondo.

“So kulang Madame Chair. P47.6 billion ang kailangan natin iliquidate at ang sabi nyo P45 billion ang fully liquidated. Hindi po maliit na pera ang two billion pesos. So, nasaan po ito?,” tanong ni Delos Santos.

“Meron pa rin po ha kasing mga projects po na, they were subjected to COA (Commission on Audit) audit sa level po ng COA central. So yung funds na around two billion yun po ay subject for full liquidation,” paliwanag ni Santiago.

Hindi kuntento ang mambabatas sa sagot ni Santiago dahil taong 2020 pa aniya inilipat ang pondo sa PS-DBM subalit hanggang ngayon ay hindi maliquidated ang nawawalang halaga na inutang ng gobyerno at babayaran ng taumbayan.

Contempt nakaamba

Samantala, nanganganib naman na ma-contempt ang mga dating opisyales ng PS-DBM tulad ni Warren Rex Liong at Lloyd Christopher Lao at maging ang mga opisyales ng Pharmally kapag hindi sumipot ang mga ito sa susunod na pagdinig ng komite.

Si Liong na ngayon at overall deputy ombudsman kasama si Lao at mga opisyales ng Pharmally ay pinadalhan ng show cause order ng komite dahil sa kabiguan ng mga ito na tugunan ang imbitasyon na humarap sa pagdinig ng komite ukol kung paano at saan ginamit ang mga pondo ng pangkalusugan. (BERNARD TAGUINOD)

162

Related posts

Leave a Comment