PINOY DOMESTIC WORKERS WELCOME NA MULI SA KUWAIT

IKINATUWA, higit ng mga nais magtrabahong domestic workers sa bansang Kuwait, ang desisyon ng Kuwait government na alisin na ang ban sa pag-iisyu ng entry visa at worker visa sa Pinoy.

Ito ay matapos ang isang taon na ‘sigalot’ sa pagitan ng Kuwait at ng bansa nang mapatay ang Pinay worker doon.

Pero tapos na ang kaganapan na iyon dahil bukas na muli ang Kuwait na papasukin sa kanilang bansa ang Pinoy workers na inamin din nilang mas prayoridad kumpara sa ibang mga bansang naninilbihan sa kanilang mamamayan doon.

Tunay na maaasahan ang mga manggagawang Pinoy sa bansang Kuwait.

Sa katunayan, isa ang mga Pinoy na unang hinahanap ng mga employer sa naturang bansa. Ito ay dahil sa magandang asal, kasipagan at totoong mapagkalinga sa pamilyang kanilang sinisilbihan.

Sa data ng Philippine Embassy sa Kuwait, nabatid na mayroong 245,000 Filipino workers doon mula sa dating 268,000 bago ipatupad ang ban. Halos 50 porsyento sa kabuuang domestic labor force sa Kuwait ay mga Pinoy.

Patunay rito si Kuwait First Deputy Prime Minister at Minister of Defense and Interior Fahad Yousuf Saud Al-Sabah na 18 ang domestic workers, kabilang ang yaya ng lahat ng kanyang mga apo, na pawang mga Pinoy.

Ayon kay Kabayan Party-list Representative Ron Salo, pinagkaisang trabahuhin ng kanyang tanggapan at ibang mga ahensya ng gobyerno, ang pag-alis sa ban upang magbukas muli ng oportunidad sa mga kababayang nais makapagtrabaho sa Kuwait.

Sa pagbubukas muli ng trabaho sa nag-aabang na domestic workers, sinabi ni OFW Party-list Marissa ‘Del Mar’ Magsino na kailangang itulak ang mas malakas na proteksyon sa household-service workers sa Kuwait.

Nagpasalamat din si Magsino sa gobyerno ng Kuwait gayundin sa DMW, DFA at sa embahada sa pagtiyak na magkaroon ng kabuhayan ang mga Pinoy roon at maisali sa pag-unlad ng host country. “Kailangang may ngipin din ang mga ahensiya natin upang matiyak ang karapatan at kaligtasan ng ating kababayan,” sabi ni Magsino.

Totoong malaking kaganapan ito sa mga kababayan nating nangangarap makapagtrabaho sa ibang bansa. Magsilbi sa ibang lahi at magtiis na mahiwalay sa mga mahal sa buhay para may maipantustos sa naghihirap na pamilya sa sariling bayan.

134

Related posts

Leave a Comment