P40 kada kilo ng bigas sa Hulyo malabo ROMUALDEZ BUTATA SA SINAG

(SAKSI NGAYON NEWS TEAM)

NANINIWALA ang grupong Samahang Industriya ng Agrikultura o SINAG na imposibleng maipatupad sa buong bansa ang 40 hanggang 46 pesos na presyo sa kada kilo ng bigas sa susunod na buwan.

Ayon kay SINAG Chairman Rosendo So, sa isang panayam sa radyo, kahit bawasan ang taripa sa imported na bigas ay mahal pa rin ito pagdating sa mga retailer.

“For the past year, ‘yun na ang sinasabi natin eh, ‘yung presyo naman eh pataas nang pataas maski bumaba ‘yung tariff ng importer eh hindi pa rin bumababa sa retail. So, ‘yun ang hindi natin alam kung paano nila gagawin ‘yun,” ani So sa panayam ng RMN Manila.

Kung maaari man aniyang bawasan ng importer ang presyo ng bigas, malabo namang kayanin ito sa mga lokal na pamilihan.

Naniniwala ang grupo na makabubuting solusyon pa rin ang pagkakaroon ng subsidy sa bigas para masuportahan ang layunin ng pamahalaan na pababain ang presyo nito gaya ng mga ibinebenta sa Kadiwa stores.

“‘Yung nabibili na palay for example na 27 to 30 pesos eh ‘pag nagiling ‘yan ang presyo is nasa 40 to 50 pesos tapos nagsa-subsidize sila ng almost 20 to 21 pesos para mabenta sa 29 pesos. ‘Yun, pwede ‘yun dahil subsidy ng government,” aniya.

Matatandaang kamakailan ay ibinida ni House Speaker Martin Romualdez na makabibili na ang taumbayan ng bigas na nagkakahalaga ng P36 hanggang P45 kada kilo sa darating na Hulyo.

Ito ay matapos ang kanyang pakikipagpulong sa Philippine Rice Industry Stakeholders Movement (PRISM) at Grain Retailers Confederation of the Philippines (GRECON).

Dagdag pa ng lider ng Kamara, ang kolaborasyon sa rice traders at importers ay resulta ng Executive Order (EO) 62 na inilabas ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., na nagbabawas ng 15% sa taripa. Ibig sabihin, imbes na 35% ang babayarang taripa ng rice importers ay magiging 20% na lamang ito.

239

Related posts

Leave a Comment