P20.4-M SHABU NASABAT SA 5 HVTs SA CAVITE

CAVITE – Umabot sa P20.4 milyong halaga ng crystal meth o shabu ang nakumpiska ng mga tauhan ng Philippine Drug Enforcement Agency sa inilunsad na anti-narcotics operation katuwang ang iba pang law enforcement agencies, at nadakip limang drug personalities noong Miyerkoles ng gabi sa lalawigan.

Ayon sa ulat na ipinarating sa tanggapan ni PDEA Director General Undersecretary Isagani Nerezi, isang joint anti-drug operation ang inilunsad ng kanyang mga tauhan, katuwan ang Philippine Drug Enforcement Agency – Regional Office-National Capital Region (PDEA RO-NCR) Northern District Office, PDEA Cavite Provincial Office, Cavite Maritime Police Station (MARPSTA), PNP Tanza Municipal Police Station (MPS), Cavite Provincial Drug Enforcement Unit (PDEU), at Civil Security Unit ng Tanza Mayor’s Office.

Limang drug suspects ang nadakip at nasa tatlong kilo ng hinihinalang methamphetamine hydrochloride o shabu ang nasamsam sa inilatag na buy-bust operation sa parking area ng isang sangay ng fastfood chain sa Antero Soriano Highway, Brgy. Sahud Ulan, Tanza, Cavite.

Kinilala ang mga suspek sa kanilang mga alyas na “Arapat,” “Geolds,” “Muhaimen,” “Mama,” at “Pinda.”

Si alyas “Arapat”, 23-anyos, driver, at naninirahan sa Brgy. Sahud Ulan, Tanza, Cavite, ang target ng anti-narcotics operation.

Habang si alyas “Geolds”, 50-anyos ng Brgy. Capipisa, Tanza, Cavite, ay dinakip kasama sina alyas “Muhaimen”, 24; “Mama, 50, at “Pinda”, 35, sa nasabing buy-bust operation.

Nakuha sa mga suspek ang isang brown-colored package na naglalaman ng vacuum-sealed plastic pack na may suspected shabu na tumitimbang ng isang kilogram, na siyang pakay ng bentahan.

Dalawa pang pulang pakete na naglalaman ng vacuum-sealed plastic packs ng suspected shabu na may kabuuang timbang na dalawang kilo, ang nasamsam kaya umabot sa P20,400,000.00 ang halaga ng ilegal na droga na nasabat batay sa street value.

Kasama rin sa nasamsam ng mga awtoridad ang isang genuine P1,000 bill na ginamit na marked money, 13 piraso ng boodle money, isang red Toyota Vios, isang brown Toyota Vios, apat na Android phones, isang analog phone, several identification cards, at assorted documents.

Pawang nahaharap sa kasong paglabag sa Section 5 (Sale of Dangerous Drugs) and Section 11 (Possession of Dangerous Drugs) under Article II ng Republic Act No. 9165, o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002, ang nadakip na mga suspek.

(JESSE RUIZ)

12

Related posts

Leave a Comment