P200-M KIKITAIN SA AUCTION SA LUXURY VEHICLES NG DISCAYA COUPLE

KINUMPIRMA ng Independent Commission for Infrastructure (ICI) ang planong pagsusubasta sa luxury vehicles ng mag-asawang government contractor na sina Curlee at Sarah Discaya.

Ayon sa Bureau of Customs (BOC), posibleng kumita ng hindi bababa sa P200 million kung isusubasta ang 13 luxury vehicles ng mag-asawang contractor.

“Ang minimum na pwedeng kitain ng pamahalaan sa proceeds ng bidding ay should be a minimum of P200 to 220 million,” ani BOC commissioner Ariel Nepomuceno.

Hawak ng Aduana ang 28 sasakyan nina Curlee at Sarah Discaya at binabalak na isubasta ang 13 sa mga ito sa Nobyembre 15, 2025.

Ayon kay ICI Executive Director Brian Hosaka, ipinaalam ni BOC Commissioner Ariel Nepomuceno sa komisyon na kulang sa tamang dokumento ang mga sasakyan dahilan upang pahintulutan itong isubasta.

“Which now gives them (BOC) right, gives the right for them to auction it off. So, in a couple of weeks, I think, according to Commissioner Nepomuceno,” ani Dir. Hosaka.

“They’re just going through the process of approval with the DOF and they will be auctioning this off. In that case, there will be an immediate recovery,” sabi pa ng ICI Executive Director.

Kamakailan, isinumite ng BOC ang mga hawak nilang dokumento sa ICI sa layuning makatulong sa isinasagawang imbestigasyon hinggil sa flood control scandal at ghost projects ng DPWH at mga kasabwat na contractors.

Nabatid na sa 30 luxury vehicles ay kabilang ang dalawang All-Terrain Vehicles ng mga Discaya, 13 rito ay inisyuhan ng warrant of seizure and detention dahil sa kawalan ng import entry o certificate of payment.

Habang ang 17 naman ay may ipinakitang import entry at certificate of payment subalit iniutos na sumailalim pa rin ang mga ito sa post-clearance audit.

Samantala, inihayag ni Nepomuceno na nakapagsumite na ang Aduana ng kanilang report sa Independent Commission for Infrastructure (ICI) noong nakalipas na linggo na nagrerekomenda ng paghahain ng kaso laban sa 10 BOC personnel.

Hindi kinilala ni Nepomuceno ang mga pinakakasuhan at kung ito ba ay may kaugnayan sa flood control mess na kinasasangkutan ng mga Discaya

Noong Oktubre, naglabas ang BOC ng Warrant of Seizure and Detention na sumasaklaw sa 13 sasakyan dahil sa mga isyu sa mga dokumentong isinumite ng mga Discaya.

Sa tantiya ng BOC, P100 milyon ang buwis na hindi nababayaran nang makuha ng mag-asawang Discaya ang 13 sasakyan.

Iniulat din nito na ang karamihan sa mga nasamsam na sasakyan ay walang mga talaan ng mga binabayarang tungkulin at buwis.

(JESSE RUIZ)

23

Related posts

Leave a Comment