(BERNARD TAGUINOD)
NASA balag pa ng alanganin na maisakatuparan ang P200 legislated wage increase na pinagtibay na ng Mababang Kapulungan ng Kongreso sa ikatlo at huling pagbasa dahil dadaan pa ito sa Bicameral conference committee.
Dahil dito, sinabi ni dating congressman Renato Magtubo, tagapagsalita ng Partido ng Manggagawa at kabilang sa National Wage Coalition (NWC), na pigil pa ang kanilang kasiyahan ngayon.
“Magandang balita subalit pigil pa sa kasiyahan ang manggagawa sa pagkakapasa sa Mababang Kapulungan ng Kongreso sa panukalang P200 na dagdag-sahod,” ani Magtubo dahil tatlong araw na lamang ang natitirang sesyon ng 19th Congress.
Dahil dito, nasa oras de peligro pa umano ang panukala kaya dapat magkasundo agad ang Bicameral Conference Committee dahil P100 ang naunang naipasa ng Senado upang maratipikahan ito hanggang June 11 at mapirmahan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.
“Subalit kung talagang gugustuhin ng Palasyo at Kongreso, walang imposible. Kahit nga ang impeachment ni Sara Duterte ay kakayanin pa. Political will ang tawag dyan na siyang laging pagkukulang na hinahanap ng manggagawa sa gobyerno, ” ani Magtubo.
Ganito rin ang panawagan ng grupo ni Deputy Speaker Raymond Democratico Mendoza kaya umapela ito sa kanyang mga kasamahan na agad buuin ang contingent sa Bicam upang masimulan na ang deliberasyon.
“Time is running out. With only three session days left next week, Congress must act swiftly and decisively to produce an enrolled bill—the first legislated wage hike since 1989—for President Ferdinand R. Marcos Jr.’s signature,” ayon sa grupo ni Mendoza.
Umapela rin si ACT Teacher party-list Rep. France Castro sa mga negosyante na huwag harangin ang panukala dahil kailangan ng kanilang manggagawa ang nasabing sahod na sa katotohanan aniya ay malayo pa rin sa P1,200 na kailangang suweldo para mabuhay ang mga ito nang maayos.
“Napakatagal nang nagtitiis ang ating mga manggagawa sa napakababang sahod. The wage boards have consistently failed to deliver justice for workers. Hindi na dapat patagalin pa ang pagbibigay ng makatarungang sahod,” ani Castro.
Epekto Sa Ekonomiya
Kaugnay nito, titingnan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang implikasyon sa ekonomiya ng panukalang umento sa minimum wage para sa mga manggagawa.
Sinabi ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro na nais ni Pangulong Marcos na ibigay ang kung ano ang makabubuti sa mga manggagawang Pilipino.
”Nais ng Pangulo na maibigay kung ano ang makakabuti sa manggagawang Pilipino,” ang sinabi ni Castro.
Nauna rito, napaulat na inaprubahan ng Mababang Kapulungan ng Kongreso sa ikatlo at huling pagbasa ang panukalang batas na magtataas ng ₱200 sa arawang minimum wage ng mga manggagawa sa pribadong sektor.
Lumusot ang panukala sa botong 171 pabor, walang tumutol, at isang abstention.
Ayon kay TUCP Rep. Raymond Mendoza, ito ang unang batas na nagtakda ng wage hike sa loob ng halos 40 taon, na layuning iangat ang mahigit limang milyong minimum wage earners.
Kailangang magkasundo ang dalawang kapulungan bago ang Hunyo 13 upang mapirmahan ito ni Pangulong Marcos. Kung hindi, kailangang muling ihain ang panukala sa susunod na Kongreso.
(May dagdag na ulat si CHRISTIAN DALE)
