P200K PATONG SA ULO NG SUSPEK SA PINATAY NA OIL DEPO ADMIN

QUEZON – Nag-alok ng P200,000 na pabuya ang Sariaya Municipal Police station sa sinomang makapagbibigay ng impormasyon at makapagtuturo sa suspek sa pagpaslang sa assistant terminal administrator ng isang oil depot sa nasabing bayan sa lalawigan.

Magugunitang dakong alas-11:00 noong Miyerkoles ng gabi, tinambangan ng hindi nakilalang suspek ang 35-taong gulang na biktimang si Ronel Reyes, assistant terminal administrator sa oil depot ng Azora Holding Inc. sa Barangay Castañas, Sariaya, habang ito ay sakay ng kanyang motorsiklo pauwi sa kanilang bahay.

Agad itong namatay dahil sa mga tama ng bala sa iba’tibang bahagi ng katawan.

Ayon sa Sariaya PNP, ang suspek na nakasakay rin sa isang itim na Honda Click na motorsiklo, nakasuot ng jacket at helmet, ay mabilis na tumakas at tinahak ang Quezon Eco Tourism Road papunta sa direksyon ng boundary ng mga bayan ng Candelaria, Quezon at San Juan, Batangas.

Hindi pa malinaw kung ano ang motibo sa pagpaslang sa biktima.

Samantala, hinimok ng Sariaya Police na makipag-ugnayan lamang sa kanilang tanggapan ang sinomang may impormasyon sa hinahanap na suspek.

(NILOU DEL CARMEN)

67

Related posts

Leave a Comment