P21.6-M SMUGGLED CIGARETTES NASABAT

TINATAYANG aabot sa P21.6 million ang halaga ng hinihinalang smuggled cigarettes na nasabat sa inilunsad na joint law enforcement operation ng Bureau of Customs at Philippine National Police sa bayan ng Pio Duran sa lalawigan ng Albay.

Ayon sa ulat na ipinarating sa tanggapan ni BOC Commissioner Bienvenido Rubio, kahon-kahon ng mga undocumented na sigarilyo ang nasamsam ng kanilang mga tauhan katuwang ang iba pang mga law enforcement agencies, sakay ng isang motor banca dagat saklaw sa bayan ng Pio Duran.

Bukod sa kontrabando ay dinakip din ng Aduana katuwang ng Philippine National Police Maritime Group, kasama ang Bicol Region at Ligao City field units, ang siyam na tripulante ng motor boat habang ipinupuslit umano ang 377 cigarette packages sa Barangay Marigondon nitong nakalipas na linggo.

Nabigo umano ang siyam na indibidwal na nakasakay sa bangka na makapagpakita ng anomang legal na dokumento para sa mga kargamento.

Ayon sa Aduana, ang pagpupuslit ng mga sigarilyo ay paglabag sa mga seksyon ng Customs Modernization and Tariff Act, tobacco regulations na nakasaad sa Executive Order No. 245, at National Internal Revenue Code.

Pinasalamatan naman ni Comm. Rubio ang composite team mula sa Bureau of Customs (BOC), Philippine National Police-Maritime Group (PNP-MG), Regional Maritime Unit 5, and Ligao Maritime Law Enforcement Team (MLET) sa pagkakasabat sa motorized banca na pinagkargahan ng kontrabando.

Lumilitaw na walang selyo ang nadiskubreng mga sigarilyo na nangangahulugan na hindi ito dumaan sa tamang proseso at hindi ito nagbayad ng kaukulang buwis.

“A Warrant of Seizure and Detention will be issued against the cigarettes as well as its conveyance for violation of Sections 117 and 1113 (a) and (f) of RA 10863 or the Customs Modernization and Tariff Act in relation to the Amended Rules and Regulations Governing the Exportation and Importation of Tobacco and Tobacco Products pursuant to Executive Order No. 245, as well as violations of Republic Act No. 8424 known as National Internal Revenue Code of the Philippines,” ayon sa BOC. (JESSE KABEL RUIZ)

141

Related posts

Leave a Comment