P21M PARA LANG SA 2 LUXURY CAR

TUMATAGINTING na P21 mil­yon ang kabuuang nakalap ng Bureau of Customs (BOC) mula sa dalawa sa apat na sinubastang smuggled luxury cars.

Sa kalatas ng BOC, nagwagi sa isinagawang public auction para sa pulang 2006 Lamborghini ang FR Agbay Jr. Enterprise sa halagang P10.378 milyon, habang swak naman sa P10.452 milyong hirit ng ETANS ang 2008 model na Ferrari Scuderia 430 na apat na ulit nang isinalang sa subastahan ng kawanihan.

Wala naman nagpakita ng interes para sa 2001 model ng Porsche Boxster na pilit binebenta ng BOC sa halagang P809,082. Deadma rin sa mga bidders ang 2011 Mercedes E220 na may takdang floor price na P783,049.

Wala naman plano ang pamunuan ng BOC na wasakin ang mga hindi nakuhang luxury cars sa isinagawang public auction, kasabay ng pahayag na muli nilang isusubasta ang mga naturang sasakyan sa hangaring makalikom ng dagdag pondong gagamitin ng pamahalaan bilang pantugon sa patuloy na banta ng pandemya.

Pinili ng pamahalaang huwag nang durugin ang mga nasabat ng sasakyan bunsod ng kakapusan sa pondo bunsod ng pagbagsak ng ekonomiya dahil sa pandemya.

Paglilinaw naman ni Finance Sec. Carlos Dominguez, winasak ng gobyerno ang mga smuggled luxury cars noong mga nakalipas na taon bilang babala at pahiwatig na seryoso ang administrasyong Duterte na wakasan ang smuggling sa bansa.

Gayunpaman, sinabi ng Kalihim na posibleng mauwi pa rin sa pagkawasak ang mga naturang luxury cars na isinusubasta ng BOC kung sadyang hindi magawang ibenta ng pamahalaan ang mga nasabing sasakyan.
(JO CALIM)

148

Related posts

Leave a Comment