HINDI pa rin “magugutom” ang mga kongresista at senador sa susunod na taon matapos ibunyag na may nakatabing pondo para sa kanilang pet projects sa panukalang 2026 national budget — na pinagmumulan umano ng kickbacks.
Ayon kay ACT Teachers party-list Rep. Antonio Tinio, isa sa 12 kongresistang bumoto kontra sa House Bill 4058 o 2026 General Appropriations Bill (GAB) na nagkakahalaga ng ₱6.793 trilyon, mayroong tinatayang ₱154 bilyong “allocables” na inilaan para sa mga mambabatas.
“Pinapanatili ang sistema ng ‘allocables’ o tiyak na alokasyon para sa bawat legislator sa badyet ng DPWH at iba pang infrastructure projects. Aabot ito ng minimum na ₱230 milyon para sa bawat kongresista at ₱3.2 bilyon naman para sa bawat senador,” ani Tinio.
Dagdag pa niya, ang naturang halaga ay bahagi ng kabuuang ₱695.78 bilyong pork barrel funds sa GAB 2026 — ₱281.07 bilyon dito ay presidential pork barrel habang ₱414.72 bilyon naman ang mapupunta sa mga mambabatas sa Kamara at Senado.
Babala ni Tinio, mananatili ang ugat ng katiwalian kung hindi babaguhin ang sistema ng alokasyon. “Habang hindi binabago ang umiiral na sistema, ito ang patuloy na pagmumulan ng malalaking kickback o SOP,” aniya. Giit pa ng kongresista, dapat ilantad ng gobyerno ang lahat ng proyektong pinopondohan ng bawat mambabatas para sa transparency.
Samantala, ayon sa grupong Bayan na kinabibilangan ng iba’t ibang militanteng organisasyon, lalong iigting ang mga kilos-protesta laban sa katiwalian sa flood control projects at sa kabiguan ng Malacañang at Kongreso na ibasura ang pork barrel system.
“House approval of a budget bloated with pork barrel will spark more protests,” babala ng grupo. “We call for more walkouts, noise barrage actions, and street protests to demand the immediate prosecution of corrupt officials and the snap abolition of the pork barrel system,” dagdag pa nila.
(BERNARD TAGUINOD)
