P258-M SHABU NASAMSAM SA MANILA CONDO

UMABOT sa 38 kilo ng umano’y shabu na tinatayang P258 milyon ang halaga ang nasamsam ng pinagsanib na pwersa ng Manila Police District at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa isang condominium Unit sa Remedios St., Malate, Manila nitong Lunes ng tanghali.

Ang isinagawang operasyon ng District Anti-Illegal Drug Enforcement Unit ng MPD at ng PDEA ay follow-up operation makaraang madakip ang isang nagngangalang Sy Zhunchen, Chinese national, sa pagsalakay kamakailan sa Parañaque City, Las Piñas City at sa Imus City na nagresulta sa nakumpiskang 155 kilo ng umano’y shabu.

Batay sa ulat ni P/Lt. Col. Dionelle Branon, hepe ng DAID, isinagawa ang operasyon pasado alas-12:00 ng tanghali at nakuha ang ilegal na droga sa van at sa loob ng condominium unit na pag-aari ni Zhunchen.

Sinabi ng PDEA, matagal na nilang sinusubaybayan ang ilegal na aktibidad ni Zhunchen na animo’y casino player lamang ngunit isa palang drug lord.

Ang suspek ay nahaharap sa kasong paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. (RENE CRISOSTOMO)

161

Related posts

Leave a Comment