ISANG Croatian national ang inaresto ng NAIA Inter-Agency Drug Interdiction Task Group matapos mahulihan ng mahigit apat na kilo ng crystal meth o shabu sa kanyang bagahe.
Kinilala ang banyaga na si alyas “Neri,” 48-taong gulang, dumating sa Pilipinas mula sa Johannesburg, South Africa na may connecting flight mula Hong Kong.
Ayon sa Philippine Drug Enforcement Agency, katuwang nila ang Bureau of Customs sa pag-aresto sa Croatian national matapos matagpuan sa isinagawang anti-narcotics interdiction ang ipinagbabawal na droga na nakatago sa loob ng isang beige na bagahe na may label na “POWER UP” sa isinagawang inspeksyon ng BOC sa paliparan.
Humigit-kumulang sa 4,156 gramo ng hinihinalang methamphetamine hydrochloride o shabu ang nadiskubreng nakapaloob sa bagahe ng suspek nang rekisahin ito sa Customs Exclusion Room, International Arrival Area, NAIA Terminal 3 na nakalagay sa tatlong improvised na pouch na binalot ng itim na duct tape, kasama ang mga personal na gamit tulad ng dalawang pares ng leather shoes at iba’t ibang damit.
Batay sa standard na presyo ng droga na itinakda ng mga awtoridad, tinatayang P28,260,800.00. ang nasabat na ilegal na droga.
Kinumpiska rin sa operasyon ang pasaporte ng suspek, boarding passes, mga mobile phone, identification cards, assorted bank cards, dayuhang pera, at iba pang personal na gamit.
Isinagawa ang matagumpay na interdiction operation ng mga operatiba ng NAIA-IADITG, sa pangunguna ng BOC at PDEA na sinuportahan ng mga kasaping ahensya nito na nakatalaga sa paliparan, gaya ng Philippine National Police Aviation Security Group, Airport Police Department, PNP Drug Enforcement Group, National Bureau of Investigation, at Bureau of Immigration.
Mahaharap ang suspek sa mga kasong paglabag sa Section 4, Article II ng Republic Act No. 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Nasa kustodiya ng PDEA ang nasabat na ebidensya ng droga para sa isailalim sa forensic examination ng PDEA Laboratory Service, habang isasailalim ang suspek sa inquest proceedings.
(JESSE RUIZ)
83 