P289-M service fees pinalagan ng solon BANGKO TIBA-TIBA SA 4Ps PROGRAM

TIBA-TIBA ang mga bangko na katuwang ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa distribyusyon ng cash benefits ng mga miyembro ng 4Ps o Pantawid Pamilyang Pilipino Program.

Ito ang natuklasan sa mababang kapulungan ng Kongreso kaugnay ng 4Ps funds ng DSWD na nagkakahalaga ng P113.8 billion kasama na ang P7.8-B na gagamitin umano sa pag-iimplementa sa nasabing programa.

Ayon kay deputy Speaker Mikee Romero, sa 4Ps funds budget na isinumite ng Malacañang sa Kongreso, P106 billion ang aktuwal na halaga para sa 4.3 million pamilya na beneficiaries sa nasabing programa na mas malaki ng P5 billion kumpara sa P101 billion na pondo ngayong 2020.

Gayunpaman, kinuwestiyon ng mambabatas ang P7.8 billion na gagamitin umano para sa implementasyon ng nasabing programa kabilang na ang P289 million na inilaan bilang “bank service fees”.

Hindi lingid sa kaalaman ng lahat na idinadaan ng DSWD sa bangko ang cash benefits ng 4Ps beneficiaries upang hindi na kailangang pumunta ang mga ito sa tanggapan ng ahensya sa kanilang lugar.

Nalalakihan si Romero dito kaya iminungkahi nito na bawasasan ang bank service fees na ito partikular na sa Land Bank na pag-aari ng gobyerno, upang mas maraming mahihirap na pamilya ang makinabang sa programa.

Kasama rin sa paggastos sa P7.8 billion ang suweldo ng mga magpapatupad ng programa na nagkakahalaga ng P4.7 billion, P1.6 billion sa tinatawag ng ahensya na “monitoring and evaluation/spot checks,”, P393 million para sa administrative expenses, P111 million sa training at P27 million to information, education and printing of manuals and booklets.

Nais ng mambabatas na bawasan kahit kalahati ang expenses lalo na ang “cost of service” and “bank service fees,” na umaabot sa P2.7 billion. (BERNARD TAGUINOD)

166

Related posts

Leave a Comment