P3.4-M SHABU NASABAT SA 3 TULAK

CAVITE – Tinatayang mahigit sa P3 milyong halaga ng hinihinalang shabu ang nasamsam at nagresulta sa pagkakaaresto sa tatlong hinihinalang tulak ng ilegal na droga sa isinagawang buy-bust operation sa Bacoor City sa lalawigang ito.

Kinilala ang mga arestado na sina Delmer Solis, 36, electrician; Arlen Franco, 51, walang trabaho, at Kevin Villar, 29, buy and sell agent, pawang residente ng Brgy. Mambog, Bacoor City.

Ayon sa ulat ng pulisya, dakong alas-3:10 ng hapon noong Martes nang isagawa ang buy-bust operation ng pinagsanib na puwersa ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) 4A, Regional Drug Enforcement Unit (RDEU) at Bacoor City Police Station (CPS), malapit sa Divi Mart, Brgy. Mambog 4 ng naturang lungsod kung saan target ang mga suspek na nagresulta sa pagkakaaresto sa mga ito.

Nakuha sa mga suspek ang tinatayang 500 gramo ng hinihinalang shabu na P3.4 milyon ang street value, mga cellphone, boodle money at isang itim na KIA CD5 (hatchback) na may plakang PTL-775. (SIGFRED ADSUARA)

173

Related posts

Leave a Comment