QUEZON – Apat ang sugatan matapos araruhin ng isang trailer truck ang anim na sasakyang nakahinto sa kinukumpuning bahagi ng kalsada sa Quirino Highway, Brgy. San Francisco, sa bayan ng Tagkawayan sa lalawigang ito, noong Martes ng gabi.
Batay sa report ng Tagkawayan Police, kabilang sa sinalpok ng isang trailer truck ang isang Mitsubishi L300 van, Hyundai H100 van, Toyota Hilux, Toyota Innova, Nissan Urvan at isang Mitsubishi Adventure na pawang patungo sa direksyon ng Maynila.
Dahil umano sa bigat ng karga ng trailer truck na 22 piraso ng malalaking puno ng Anahaw, ay nawalan ito ng kontrol at hindi kinaya ng preno na maihinto matapos makita ng driver na nakahinto ang daloy ng mga sasakyan dahil sa kinukumpuning kalahati ng lane ng highway.
Bunsod nito, sunod-sunod na sinagasa ng truck mula sa likuran ang anim na sasakyan.
Kabilang sa nasugatan ang mga driver ng nasalpok na mga sasakyan na sina Arney Jay Gonzales, residente ng Cainta Rizal; Romeo Bien Jr., 33, residente ng Pasig City, at Reynaldo Nebres, 45, taga Albay.
Arestado naman ng mga pulis ang driver ng truck na si Mario Delos Santos na nahaharap sa kasong reckless imprudence resulting in multiple physical injuries and damage to properties. (NILOU DEL CARMEN)
