BANAT BY
MAGANDANG araw po sa inyo. Maraming salamat sa Saksi Ngayon sa pagbibigay sa inyong abang lingkod na makapag-kolum sa pahayagang ito.
Gusto ko pong pag-usapan natin ang tungkol sa trending news sa social media. Garapalan na po. Sobra-sobra na po ito. Sabi ng iba, mas malala daw ang administrasyon na ito kaysa administrasyon ni PNoy.
Kung kay PNoy umabot ng anim na taon nang maglabasan ang baho, ngayon daw, wala pang isang taon ay grabe na ang kaliwa’t kanang eskandalo na pinagdadaanan nitong administrasyon na ito.
Hindi ko alam kung talagang may saltik ang ating gobyerno na kailangang baguhin o palitan ang mga bagay-bagay na wala namang problema.
Ang tanong, mayroon po ba kayong nakikitang problema sa lumang logo ng PAGCOR? Ito po ba ay nakasasagabal sa inyong mga mata? ‘Pag nakita n’yo ba ‘yun, kayo ba ay naaalibadbaran? Parang wala naman.
May lumabas na dokumento na talagang P3 milyon ang ginastos sa nabanggit na logo. Ito ay public document na makikita sa website ng PAGCOR tungkol sa ginawa nilang public bidding.
Nakasaad dito na ang presyo ng ipinagawang logo ay P3 milyon!
Sa madaling salita, P3 milyon ang kinita ni Mr. Francisco Duplon na proprietor ng Print Plus Graphic Service. Klarong-klaro, hindi fake news, P3 milyon. Tapos sasabihin nila, wala tayong pera para sa pension ng mga pulis at sundalo. Ganyan po kawalang pakundangan at kawalang awa sa mga dapat sana tumatanggap ng budget ng ating gobyerno. Isipin n’yo, P3 milyon. Kayo ba ay agree sa P3 milyon?
Mayroon pong AI o artificial intelligence. Kung gusto mong magpagawa ng logo, sabihin mo lang doon kung ano ang gusto mong logo. Pag-click mo, lalabas na doon ang ipinagawa mong logo.
‘Yun po ay libre at kung may bayad man ay minimal lang. Pero hindi naman aabot ng P3 milyon.
Ang matindi pa dito, sabi sa isang comment, “Wait barangay lang ang scope ng business niya. How can they bid in Pasay if they are from Las Piñas?” Tanong pa ng ibang nag-comment, bakit daw nasa loob lang ng subdivision? Sa Madaling salita, parang work from home. Work from home na P3 milyon ang kinita. Sabi naman ng iba, baka keyboard warrior lang ‘yan. Baka kung saan lang niya kinuha ang logo.
Para sa akin, kung ikaw ay may isang malaking company at maniningil ka ng ganyang kalaki na presyo para sa isang logo, siguro naman ang opisina mo ay nasa Makati o kaya nasa BGC, Ortigas Center. Eh, hindi eh. Nasa loob ng bahay ang opisina ni Kuya. Isipin n’yo na ganyang kalaki ang binayaran na ang opisina ay nasa loob lang ng BF Homes.
Grabe naman po itong kawalang-hiyaan. Hindi ko masisisi si Francisco Duplon. Wala siyang kasalanan diyan, siya ay naniningil lang naman. Halimbawa, nagbebenta ka ng spaghetti sa halagang isang milyon. Pakialam ba ng ibang tao, eh trip mo ‘yun. Kung ayaw nilang bumili, eh ‘di huwag.
Pero ang problema ay ang gobyerno na nagdesisyon. Baka sa palagay nila, ang isang milyong pisong spaghetti ay masarap. Gusto ko ‘yang spaghetti na ‘yan. Tapos binili ang spaghetti. Sino ang may kasalanan diyan? Hindi po kasalanan ‘yan ng nagbenta kundi kasalanan ng bumili ng spaghetti. Tama ba o mali? Ang lupit! Ewan ko na lang kung hindi pa kayo magigising.
Ang tanong, sino ang kumita dito? Sino po dyan sa PAGCOR ang kumita nang ganito kalaki?
Isa pang matindi dito, pinaghandaan talaga. They prepared for that video launch. Tuwang-tuwa pa si Speaker Romualdez at palakpak nang palakpak nang makita ang logo. Saan ka ba tuwang-tuwa, sa binayad ng PAGCOR o sa bagong logo? Sir, nagtatanong lang po. May kaugnayan po ba sa trabaho n’yo bilang speaker ang launching ng logo. May bahay po ba kayo sa BF Homes? O baka mayroon kayong kakilala o kaibigan na nakatira sa BF Homes?
Big time launching. Logo lang may launching pa. Kumpletos rekados. Sabi nga ni Pangulong Duterte sa mga ganyan, “Ang korni.” Si Pangulong Duterte, as much as possible, iniiwasan niya ang mga ganyang ribbon cutting.
Momshie, may kaibigan po ba kayo sa BF Homes? Nagtatanong lang po. Isa pang tanong, magkano naman ang ginastos sa launching?
