MAPUPUNTA lang sa Philippine Health Insurance Corporation o PhilHealth ang idadagdag na sahod ng mga manggagawa sa National Capital Region (NCR) kapag hindi inatras ang premium hike.
Ito ang pahayag ni House assistant minority leader Arlene Brosas kaugnay ng ipatutupad na pagtataas sa kontribusyon sa susunod na buwan.
“Nasa P400 hanggang P3,200 ang bagong kaltas sa sahod nyan, at lalamunin lang nito ang dagdag sahod na P33 kada araw sa NCR,” ayon sa lady solon.
Dahil dito, kailangan aniyang ipagpaliban ang dagdag na singil ng PhilHealth sa mga miyembro upang kahit papaano ay maramdaman ng mga manggagawa ang idinagdag na ‘barya’ sa minimum wage.
“We will push for the passage of House Joint Resolution No. 34 which we filed in January to suspend any PhilHealth premium hike, but more importantly, we will continue to push for amendments to the Universal Health Care Act in the next Congress to remove the automatic premium hikes,” ayon pa kay Brosas.
Kung nais talaga aniya ng PhilHealth na makalikom ng pondo, dapat humingi ito sa gobyerno at huwag pigain ang mga miyembro nito at agawin ang kakarampot na umento sa kanilang sahod. (BERNARD TAGUINOD)
193 