CAVITE – Tinatayang P340,000 halaga ng hinihinalang shabu ang nasamsam sa isang umano’y tulak ng ilegal na droga sa isinagawang buy-bust operation sa Imus City noong Lunes ng gabi.
Kasong paglabag sa Sec. 5 at 11 ng Art. II ng RA 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002) ang kinahaharap ng suspek na si Janjan Sales y Minay, nasa hustong edad, ng Brgy. Alapan 1, Imus City, nasa listahan ng Street Level Individuals (SLIs).
Ayon sa ulat ni Police Staff Sergeant Joselle Hernandez ng Imus City Police, dakong alas-10:00 ng gabi, nagsagawa ng buy-bust operation ang Anti-Illegal Drugs Unit ng Imus CPS sa Brgy. Alapan 1-C, Imus City, na nagresulta sa pagkakadakip sa suspek.
Nakumpiska mula sa suspek ang 50 gramo ng hinihinalang shabu na may street value na P340,000, at marked money.
(SIGFRED ADSUARA)
