UMABOT sa P36 milyong halaga ng smuggled na mga sibuyas ang nasabat ng mga tauhan ng Bureau of Customs sa Cagayan de Oro City sa Misamis Oriental noong Huwebes.
Batay sa ulat ng BOC, may 12 container vans ang nasabat sa Mindanao International Container Terminal Port sa Tagoloan, Misamis Oriental makaraang makatanggap si Elvira Cruz, district port collector, ng impormasyon hinggil sa posibleng maling deklarasyon ng agricultural products.
Nanggaling ang shipment sa China at naka-consign sa Frankie Trading Enterprises at Primex Export and Import Producer. Idineklara nila ang shipment bilang “spring roll patti” at “plain churros”.
Ngunit nang buksan ang container vans sa isinagawang 100% physical examination, bumungad ang pula at puting mga sibuyas na may kabuuang halaga na P36 milyon.
Naglabas na ang BOC ng warrant of seizure and detention laban sa shipment sa ilalim ng RA 10863 o Customs Modernization and Tariff Act, at RA 10845 o Anti-Agricultural Smuggling Act.
Nangako si Cruz na tuluy-tuloy ang kanilang maigting na kampanya laban sa agricultural smuggling sa Northern Mindanao habang hindi tumitigil ang mga smuggler sa kanilang ilegal na gawain na nakakaapekto sa industriya ng pagsasaka sa bansa. (RENE CRISOSTOMO)
