P382-M MATERYALES SA ILEGAL NA SIGARILYO NASAMSAM

NASABAT sa pinaigting na kampanya ng Bureau of Custom (BOC) ang tinatayang P382 milyong halaga ng mga materyales para sa paggawa ng sigarilyo.

Alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na paigtingin ang kampanya ng pamahalaan laban sa ilegal na operasyon ng tabako, nasamsam ang BOC, sa pamamagitan ng koordinadong aksyon ng Customs Intelligence and Investigation Service (CIIS) sa Port of Limay, sa Bataan, ang milyong-milyong halaga ng mga materyales sa paggawa ng sigarilyo sa isinagawang anti-smuggling operation sa Pampanga.

Pinangunahan ni BOC Commissioner Ariel F. Nepomuceno ang operasyon na nag-ugat mula sa ulat na natanggap ng BOC hinggil sa hinihinalang ilegal na aktibidad ng tabako sa lugar.

Isinagawa ang operasyon ng pinagsanib na enforcement team mula sa CIIS–Limay, Enforcement and Security Service (ESS–Limay), at mga yunit ng Philippine National Police (PNP).

Kabilang din ang Pampanga Provincial Police Office, Apalit Municipal Police Station, at Regional Special Operations Group (RSOG) PRO3, at mga kinatawan mula sa Bureau of Internal Revenue (BIR) sa pamamagitan ng National Investigation Division (BIR–NID) at Excise Tax Large Taxpayers Service (BIR–LTS), sa sumalakay sa isang bodega sa Brgy. Balucuc, Apalit, Pampanga upang beripikahin ang ulat.

Kasama rin ang mga opisyal ng Barangay Balucuc at Pampanga Provincial Police sa nasabing operasyon.

Sa loob ng bodega, natuklasan ng mga awtoridad ang BIR tax stamps na may magkakaparehong serial number, malaking bilang ng mga materyales sa packaging ng sigarilyo, at cigarette tipping paper rolls na may tatak gaya ng Chesterfield, Camel, Mighty, Fortune, Carnival, Fort, Commando, Thunder, H&P, King, at Cannon Menthol, at iba pa.

Ang kabuuang halaga ng nakumpiskang items ay tinatayang aabot sa P382 milyon.

Sinisiyasat ng enforcement team ang pasilidad habang nagpapatuloy ang imbestigasyon at imbentaryo ng mga nakumpiskang materyales.

Ang operasyon ay dagdag sa pinaigting na kampanya ng BOC laban sa ilegal na tabako. Mula Enero hanggang Pebrero 2026, nakapagtala ang BOC ng 110 matagumpay na pagkakasamsam sa buong bansa na umabot sa higit P1.948 bilyong halaga ng ilegal na sigarilyo at produktong tabako. Sa parehong panahon noong 2025, 21 lamang ang naitala na may halagang P75.517 milyon, na nagpapakita ng malaking pagtaas sa resulta ng enforcement.

Samantala, pinuri ni Commissioner Ariel F. Nepomuceno ang matibay na koordinasyon sa pagitan ng CIIS at Port of Limay, na naging susi sa tagumpay ng operasyon.

Binigyang-diin niya na nananatiling nakatuon ang BOC sa pagbuwag ng mga smuggling scheme at pagpigil sa ilegal na supply chain na sumisira sa lehitimong industriya.

Itinampok din ng komisyoner ang kahalagahan ng patuloy na suporta mula sa mga katuwang na ahensya ng batas, na nagsasabing mahalaga ang tuloy-tuloy na intelligence-driven operations at inter-agency cooperation upang maisulong ang direktiba ng pangulo na protektahan ang kita ng pamahalaan at tiyakin ang patas na kalakalan.

(JESSE RUIZ)

71

Related posts

Leave a Comment