(NI BERNARD TAGUINOD)
BAGAMA’T dalawang taon na ang nakararaan simula nang pondohan ang rehabilitasyon ng Marawi City na dinurog sa giyera sa pagitan ng puwersa ng gobyerno at mga teroristang Abu Sayyaf Group at Maute Group, hindi pa nagagastos ang halos kalahati sa P10 billion Marawi rehabilitation funds.
Ito ang lumabas sa pagdinig ng House committee on Marawi Rehabilitation and Reconstruction, nitong Lunes dahil sa kabiguan umano ng mga ahensya na magsumite ng mga proposal para maibangon ang siyudad kaya hindi pa nagagastos ang may P4.475 billion.
“Almost half of the P10 billion is unreleased and unutilized,” ani Anak Mindanao party-list Rep. Makmod Mending Jr., sa nasabing pagdinig matapos ilatag ni National Disaster Risk Reduction and Management (NDRRMC) executive director Ricardo Jalad, ang estado ng 2018 Marawi Recovery, Rehabilitation and Reconstruction Program (MRRRP) Fund.
Ayon kay Jalad, sa P10 billion na MRRRP Funds, P5, 624 billion pa lamang dito ang nagagastos kaya mayroon pang P4, 375, 699.383.77 ang hindi pa nagagalaw hanggang ngayon.
“Based on the procedures in the release, and utilization of this interim fund, saan nagkakaroon ng bottleneck? Nasa midyear na tayo ng 2019, 2018 ang appropriations, bakit hindi sya kayang i-release on time?,” tanong ni Mending.
Dito inamin ni Del Rosario na hindi pa nagsusumite ng proposals ang iba’t ibang ahensya ng gobyerno na mag-iimplementa sa mga programa para sa pagbangon ng Marawi City.
Kabilang sa mga ahensya na nabigong pagsumite ng proposal ay ang Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) kaya hindi pa napakikinabangan ng taga-Marawi ang malaking pondo.
“This is my issue with TESDA last year noong nagkaroon ng earmarking sa P10 billion, P903 million para sa TESDA ngayon nakalagay na lang P188 million. Napalaki kasi ng obligasyon ng TESDA sa rehabilitation ng ating kabayayan, ang nangyari nawala ang pondo na yun, P188 na lang (ang natira) . Based on the last presentation, ‘yung P188 million para sa 10,000 katao na ite-train for construction workers kasi nage-expect tayo may training center na gagawin. Sayang ang pondo na hindi natin nagagamit,” ani Mending.
Sa ambush interview, sinabi naman ni Del Rosario na makukumpleto ang rehabilitasyon ng Marawi City sa Disyembre 2021 na siyang target ng mga ito.
139