HALOS umabot sa P400 milyong halaga ng marijuana ang nakumpiska ng mga awtoridad sa Kalinga sa Cordillera Region sa loob ng sampung araw sa tuloy-tuloy na joint anti-narcotics operation ng Armed Forces of the Philippine (AFP), Philippine National Police (PNP) at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa lalawigan ng Kalinga.
Ayon kay Northern Luzon Command chief, Lt. Gen. Ernesto Torres Jr., libo-libong puno ng marijuana ang binunot at sinunog ng Joint Task Group Peace and Justice, katuwang ang PDEA, PNP at National Bureau of Investigation sa inilunsad na anti-illegal drug operations sa bayan ng Tinglayan sa Kalinga.
Ayon sa pahayag ni PNP chief, Gen. Dionardo Carlos, ang serye ng mga operasyon ay bahagi ng Herodotus 2, isang special operation ng PNP, PDEA, NBI, Philippine Coast Guard (PCG) at Armed Forces of the Philippines (AFP). Nagresulta ang nasabing mga operasyon sa pagkakaaresto sa tatlo katao.
Nabatid kay Lt. Gen. Torres, umabot sa 1,577,500 fully grown marijuana plants (FGMP), 102,000 grams ng marijuana dried leaves, 86,000 grams ng marijuana seeds; 20,000 grams ng marijuana fruiting tops, at 15,000 grams ng marijuana stalks ang kanilang nakumpiska at sinunog sa 11 plantation sites na kanilang sinalakay sa Barangay Tulgao, 12 plantation sites sa Barangay Loccong, at dalawang plantasyon sa Barangay Butbut, pawang nasa bayan ng Tinglayan.
“The total estimated value of the destroyed marijuana plants sums up to P339,915,000” ani NoLCom commander. (JESSE KABEL)
320 