HINDI pa man tapos ang isinasagawang imbestigasyon kaugnay ng isinagawang operasyon kamakailan sa Quezon City, lumalabas na isang kilalang gambling lord ang may-ari ng mga nakumpiskang luxury vehicles at baryang nagkakahalaga ng hindi bababa sa P50 milyon.
Ayon sa isang impormante, natukoy na ang may-ari ng warehouse kung saan inilagak ang mga barya, kasama ang walong luxury cars na pawang walang plaka at conduction stickers.
Maging ang may-ari ng mga barya, kilala na rin – isang alyas Kabayo na umano’y kilalang gambling lord na nasa likod ng mga iligal na pasugalan sa Calabarzon region.
Gayunpaman, nanatiling tikom ang NBI lalo pa’t isa umanong “untouchable” si Kabayo at ang may-ari ng bodega na ayon pa sa impormante ay pasok din sa kalakaran ng illegal gambling sa Quezon City at mga karatig lungsod sa Metro Manila.
Ayon pa sa impormante, hindi umano magawang ibangko ng nasabing gambling lord ang sandamakmak na barya dahil sa pangambang ma-kwestyon lalo pa’t mahigpit na ipinagbabawal sa ilalim ng batas ang pag-iimbak nito.
Dagdag pa ng impormante, ang mga tumambad na barya ay bahagi lamang ng mga dapat sana’y ipupuslit palabas ng bansa. Aniya, nakatakda na itong dalhin sa bansang Singapore kung saan umano binibili ng 20% mas mataas ang mga barya para lusawin at gawing “mag wheels” ng mga mamahaling sasakyan.
