TINATAYANG aabot sa P53 milyong halaga ng umano’y counterfeit pharmaceutical products at iba pang puslit na mga kalakal, ang nasabat ng mga ahente ng Bureau of Customs (BOC) sa isinagawang anti-smuggling operation sa Manila International Container Port (MICP) noong Martes.
Mismong si Customs Commissioner Ariel F. Nepomuceno ang nanguna sa isinagawang inspeksyon sa nasabat na pharmaceutical products alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Romualdez Marcos Jr. na palakasin ang seguridad sa mga hangganan ng bansa kontra smuggling.
Ayon sa ulat, nagmula sa China ang shipment na unang idineklarang naglalaman ng 1,144 pet cages.
Gayunman, sa isinagawang inspeksyon ay nadiskubre ang hindi idineklarang mga gamot, dahilan upang irekomenda ng Customs Intelligence and Investigation Service – MICP, ang 100% physical examination.
Nakiisa rin sa isinagawang inspeksyon si Atty. Franklin Anthony M. Tabaquin IV ng FDA, kasama ang mga kinatawan mula sa UNILAB Inc.
Ayon sa FDA at maging ng Department of Health, ang mga hindi rehistrado at smuggled medicines ay ikinokonsiderang counterfeit drugs gaya ng mga gamot para sa common cold at fever na gawa sa China subalit hindi nakarehistro sa Food and Drugs Agency (FDA).
Sa masusing pagsusuri, tumambad ang 336 kahon ng iba’t ibang pharmaceutical products na nagkakahalaga ng P33.367 milyon, na walang kaukulang permit mula sa Food and Drug Administration (FDA).
Bukod dito, nakumpiska rin ang 406 kahon ng iba pang mga produkto gaya ng electronics, cosmetics, automotive parts, hardware, at iba’t ibang accessories na tinatayang nasa P19.692 milyon ang halaga.
Ayon sa BOC, lumalabag ang shipment sa Section 1400 o misdeclaration sa ilalim ng Customs Modernization and Tariff Act (CMTA) kaugnay ng Section 1113 nito, gayundin sa Republic Act No. 9711 o Food and Drug Administration Act of 2009.
Binigyang-diin ni Nepomuceno na patuloy ang kanilang intelligence at enforcement operations upang maprotektahan ang kaligtasan ng publiko at mapanatili ang integridad ng ekonomiya ng bansa.
“Our sustained intelligence and enforcement operations are driven by our commitment to safeguarding public safety and advancing the welfare of the nation. We will not allow illicit trade to undermine the safety of our people or the integrity of our economy,” sabi pa ni Commissioner Nepomuceno.
“Gusto ko lang linawin sa mga nagbabalak magpuslit ng ilegal na produkto sa bansa, na sisiguraduhin ko at ng BOC na lahat ng responsable sa ganitong uri ng aktibidad ay mapapanagot,” dagdag pa ng opisyal
Samantala, tiniyak naman ni MICP District Collector Felipe Geoffrey K. De Vera na mananatiling mahigpit ang pagbabantay sa mga pantalan bilang suporta sa pinaigting na kampanya kontra smuggling.
(JESSE RUIZ)
39 