PUBLIC SCHOOL NINAKAWAN

ARESTADO ang isang lalaki habang pinaghahanap ang kasama nito na mga suspek sa pagnanakaw sa isang pampublikong eskuwelahan sa bayan ng Gen. Mariano Alvarez (GMA), Cavite noong Martes ng madaling araw.

Hawak na ng GMA Municipal Police Station ang suspek na si alyas “Michael” habang pinaghahanap ang kasama nitong si alyas “Rasale”.

Ayon sa ulat, dakong ala-1:00 ng madaling araw nang pumasok si Michael sa Area J. Elementary School sa Brgy. Lumbreras, GMA, Cavite sa pamamagitan ng pag-akyat sa isang puno habang si Rasale ang nagsilbing look-out.

Nang nakapasok sa eskuwelahan, pumasok si Michael sa isang classroom sa pamamagitan ng pagtanggal sa dalawang piraso ng salaming bintana at tinangay ang isang unit ng tablet laptop na nagkakahalaga ng P21,849.00 na nakalagay sa loob ng Durabox.

Bandang alas-3:00 ng madaling araw nang umalis ang dalawang suspek sa eskwelahan.

Kinaumagahan na nang madiskubre ang nangyaring pagnanakaw at sa isinagawang follow-up operation ay naaresto si Michael.

Narekober sa suspek ang isang isang 5TB external hard, isang charger adapter, dalawang USB devices, isang cologne, isang portable mini fan at dalawang extension wires.

(SIGFRED ADSUARA)

90

Related posts

Leave a Comment