P5K MULTA SA NAVOTAS Q-BAND VIOLATORS

HANGGANG P5,000 multa ang naghihintay sa mga lalabag sa ipinatutupad ng pamahalaang lungsod na Navotas Quarantine Band System (Navo Q-Band) sa bisa ng City Ordinance No. 2021-24 na naglalayong manmanan ang mga kumpirmadong may COVID-19 at close contacts ng mga ito at ang mga residente sa lockdown areas.

Ani Mayor Toby Tiangco, nakababahala ang paglobo ng mga kaso sa nakalipas na dalawang buwan at hindi lamang buhay at kalusugan ng mamamayan ang naapektuhan kundi maging ang kakaunting pinagkukunan ng kita ng lungsod, kaya’t dapat kumilos agad at magpatupad ng mga hakbang para masugpo ang virurs.

Ang mga residenteng nakatira sa mga lugar na naka-lockdown ay bibigyan ng puting Q-bands, habang ang mga COVID-19 positive at mga kasama nila habang naka-home quarantine, at close contacts na isasailalim o naghihintay ng resulta ng RT-PCR test, ay bibigyan ng pink Q-bands.

Hindi pwedeng umalis ang mga Navoteñong may Q-bands sa isolation facility o sa kanilang home quarantine, at sa sakop ng granular lockdown.

Ang mga may puting Q-band ay pagmumultahin ng P1,000, P2,000 at P5,000 para sa una, ikalawa at ikatlong pagsuway, ayon sa pagkakasunod-sunod, habang ang mga may pink Q-band ay P5,000 ang multa sa una at mga kasunod na paglabag.

Tanging ang City Health Office lamang ang pwedeng magtanggal ng Navo Q-bands sa mga taong may suot nito.

Ang Navo Q-bands ay imo-monitor ng Local Disaster Risk Reduction Office dalawa o tatlong beses sa isang araw sa iba’t ibang oras at ang mga naka-tag na indibidwal ay makatatanggap ng mensahe na kailangang i-scan ang kanilang bands bilang tugon.

Dapat silang tumugon sa monitoring at tracking inquiry sa loob ng 10 minuto at kung hindi makasagot ng hindi kukulangin sa tatlong beses sa isang araw nang walang sapat na katwiran o dahilan ay ituturing itong paglabag sa implementing guidelines ng sistema ng quarantine band.

Sa Barangay Health Emergency Response Team naman nakatoka ang pagtanggap ng tracking messages at pag-scan ng Q-bands ng mga sakop na taong walang mobile phones. (ALAIN AJERO)

150

Related posts

Leave a Comment