MAHIGIT P6.36 milyong halaga ng mga tanim na marijuana ang binunot at sinunog ng mga awtoridad sa isinagawang joint marijuana eradication ng pinagsanib na pwersa ng Philippine Drug enforcement Agency at Philippine National Police sa Barangay Kayapa, Bakun, Benguet noong Martes.
Pinangunahan ng Philippine Drug Enforcement Agency – La Union Provincial Office (PDEA LUPO) ang operasyon sa pakikipagtulungan ng Bakun Police Station.
Katuwang din sa operasyon ang mga tauhan ng PDEA Pangasinan Provincial Office (PDEA PangPO), PDEA Baguio/Benguet Provincial Office (PDEA BBPO), at Benguet Police Provincial Office – Provincial Drug Enforcement Unit (BPPO-PDEU).
Mula alas-7:00 ng umaga hanggang alas-9:00 ng gabi, tiniis ng mga operatiba ang mahirap na pag-akyat sa kabundukan upang linisin ang humigit-kumulang 3,506 metro kwadrado ng lupang taniman ng marijuana sa dalawang lugar na target ng operasyon.
Ayon sa ulat, umabot sa kabuuang 31,800 fully grown marijuana plants ang binunot at sinunog sa lugar alinsunod sa itinakdang pamantayan ng operasyon.
Pinuri ni PDEA Regional Director Atty. Benjamin G. Gaspi ang mga ahensyang lumahok sa operasyon dahil sa kanilang walang sawang pagtutok sa pagsugpo ng pagtatanim ng ilegal na droga sa mga kabundukan ng Cordillera.
“Ang matagumpay na operasyong ito ay bahagi ng pinaigting na kampanya ng PDEA laban sa mga pinagmumulan ng ilegal na droga. Sa tulong at patuloy na pakikipagtulungan sa ating mga lokal na pulis, tiniyak nating walang lugar ang magiging kanlungan ng mga ilegal na gawain,” ani Atty. Gaspi.
Ang naturang operasyon ay bahagi ng mas pinaigting na hakbang ng PDEA upang tuluyang mawasak ang mga taniman ng marijuana at mapigilan ang paglaganap ng ilegal na droga sa buong bansa.
(JESSE RUIZ)
