P61.2-M SHABU NASAMSAM, TARGET NA 4 HVIs ARESTADO

HUMIGIT-KUMULANG sa siyam na kilo ng hinihinalang shabu ang nasamsam sa inilunsad na joint anti-narcotics operation ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), katuwang ang Philippine National Police (PNP), sa Brgy. Bacao 1, General Trias, Cavite noong Linggo ng hapon.

Ayon sa ulat na ipinarating sa tanggapan ni PDEA Director General Undersecretary Isagani Nerez, apat na hinihinalang mga kasapi ng bigtime drug syndicate ang naaresto sa pinagsanib na anti-drug operation na isinagawa sa pangunguna ng PDEA Regional Office – NCR Northern District Office, katuwang ang PDEA RO-NCR Regional Special Enforcement Team 2, PDEA Regional Office IV-A Cavite Provincial Office, Cavite Maritime Police Station, at PNP General Trias City Police Station.

Nakilala ang naarestong mga suspek sa kanilang mga alyas na “Asil,” 45, mangingisda, residente ng Taguig City; “Almukrim,” 28, walang trabaho, mula Sulu Province; “Alshamier,” 24, mangingisda, mula Tawi-Tawi; at “Dharwina,” 32, walang trabaho, mula Sulu

Kasalukuyan silang nasa kustodiya ng mga awtoridad habang inihahanda ang kaukulang kaso laban sa kanila.

Nasamsam sa operasyon ang siyam na blue foil packs na may label na “Very Delicious” na naglalaman ng white crystalline substance na hinihinalang shabu, na may kabuuang timbang na humigit-kumulang 9 kilo at tinatayang may standard drug price na P61,200,000.00.

Nakumpiska rin ang ginamit na buy-bust money, tatlong identification cards, dalawang mobile phones, at isang itim na van na pinaniniwalaang ginamit sa ilegal na aktibidad.

Ang mga suspek ay nahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act No. 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002, partikular sa pagbebenta at pagmamay-ari ng ipinagbabawal na droga.

Muling tiniyak ng PDEA ang kanilang pangako na palakasin pa ang anti-drug operations katuwang ang law enforcement agencies, at nananawagan sa publiko na manatiling mapagmatyag at patuloy na suportahan ang mga programa ng pamahalaan sa pamamagitan ng pag-uulat ng kahina-hinalang mga aktibidad.

(JESSE RUIZ)

109

Related posts

Leave a Comment