KAKAMPINK ITUTUMBA NG NBI CHIEF?

Syanong Detektib ni LUCIO S. PAPA

NILALANGGAM sa social media ang umano’y audio recording ng pagtatalo sa pagitan ni National Bureau of Investigation (NBI) Director Melvin Matibag at isang certified Kakampink na kinilala sa pangalang Mel Sabio.

Dangan naman kasi, sadyang makapanindig-balahibo ang maririnig sa audio recording — ang pagbabanta sa buhay ni Sabio.

Nag-ugat ang pagtatalo sa pagitan nina Sabio at lalaking tinukoy sa Facebook post na si Matibag, sa mga patutsada kaugnay ng isyu sa kontrata ng kuryente sa San Pedro, Laguna.

Paulit-ulit kong pinakinggan ang audio recording. Nakakikilabot ang pagbabanta. Sa isang bahagi ng pag-uusap, sinabi ng isa sa kanila — “Pag pinatay kita, walang ebidensya.”

Hindi mabilang kung ilang ulit ako nakarinig ng malutong na pagmumura, bagay na lubhang nakababahala lalo pa’t opisyal ng gobyerno ang paulit-ulit na nagbanta bunsod marahil ng pagmamahal sa kanyang asawa.

Ako man magagalit kung asawa ko ang idinadawit sa kahit anong negatibong usapin. Pero para sa isang opisyal ng pamahalaan, higit na angkop manatiling kalmado.

Hindi ko sinasabing mali si Matibag (kung siya nga ang nasa audio recording) sa pagtatanggol sa kanyang asawa at ngayo’y Laguna 1st District Rep. Anne Matibag.

Pero sa kanyang estado bilang tagapagpatupad ng batas, hindi ba’t mas marapat na idaan sa legal ang anomang bulilyaso?

Bilang abogado, alam ni Matibag na labag sa batas ang pagbabanta. Katunayan, ang pinamumunuan niyang ahensya mismo ang nag-imbestiga sa “kill threat” ni Vice President Sara Duterte laban sa taong nagluklok sa kanya sa pwesto. Hindi na ko nagtataka kung bakit ikinahihiya siya ngayon ng kanyang fraternity brothers sa Ateneo.

Kung nagawa ng NBI na imbestigahan ang “kill threat” ng pangalawang pangulo, hindi ba’t marapat lang imbestigahan din ang umano’y pananakot?

Pero teka. Anong ahensya ang dapat maglunsad ng imbestigasyon? Ang NBI ba mismo na nasa ilalim ng kanyang pamumuno?

Wika nga ng yumaong NBI Director Alfredo Lim — “The law applies to all, or none at all.”

118

Related posts

Leave a Comment