P680-M SHABU NASABAT SA ANGELES, 2 ARESTADO

PAMPANGA – Arestado ang dalawang hinihinalang high value individuals (HVIs) at nakumpiskahan ng 101 kilo ng hinihinalang shabu na tinatayang P680 milyon ang halaga, sa isinagawang joint anti-illegal drugs buy-bust operation sa Friendship Highway, Brgy. Sto. Domingo, Angeles City noong Mayo 14, 2025.

Ang drug entrapment ay pinangunahan ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at Angeles City Police Office – Drug Enforcement Unit, sa pakikipagtulungan ng iba’t ibang ahensya ng gobyerno kabilang ang AFP-Counter Intelligence Group, PNP Information Technology Management Service, Regional Intelligence Division PRO3, Regional Police Drug Enforcement Unit 3, at Regional Intelligence Unit 3.

Naaresto sa operasyon ang mga suspek na kinilalang sina alyas “Wang”, 31, residente ng Clark, Pampanga, at “Shania”, 24, residente ng San Sebastian, Tarlac City.

Ayon kay PBGen. Jean Fajardo, Regional Director ng Police Regional Office 3 (PRO3), ang tagumpay ng operasyon ay nagpapakita ng matatag na koordinasyon ng mga ahensyang tagapagpatupad ng batas.

“Ito ay isang malaking tagumpay sa ating kampanya kontra ilegal na droga. Ang pagkakahuli sa dalawang high-value individuals at pagkakakumpiska ng mahigit kalahating bilyong pisong halaga ng shabu ay patunay ng dedikasyon at husay ng ating kapulisan at mga katuwang na ahensya,” ani PBGen. Fajardo.

“Ang PRO3 ay patuloy na nakikiisa sa direktiba ni PNP chief, PGen. Rommel Francisco D. Marbil sa mas pinaigting na kampanya laban sa mga sindikato ng droga upang mapanatili ang kapayapaan at kaayusan sa ating mga pamayanan.”

Ang mga suspek ay sasampahan ng kasong paglabag sa Republic Act 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

(ELOISA SILVERIO)

54

Related posts

Leave a Comment