TUMATAGINTING na P7.8-bilyong pondo ang inilaan ng Kamara para pantustos sa ilalim ng 2022 national budget sa mga programang tugon sa problema ng malnutrisyon sa mga batang mula sa mga maralitang pamilya.
Kasabay ng paggunita sa National Children’s Month ngayong Nobyembre, umaasa naman si committee on welfare of children vice-chairman Rep. Mike Defensor (Anakalusugan party-list) na isasakatuparan ng mga kinauukulang tanggapan ng pamahalaan ang mga pangangailangan ng mga bata.
“We are counting on the national government’s targeted feeding programs to help improve the nutritional and overall health condition of children from poverty-stricken families who continue to suffer from hunger,” ani Defensor.
Base sa survey ng Social Weather Station (SWS) noong Hunyo, nasa 3.4 million pamilyang Pilipino ang dumaranas ng involuntary hunger bunsod ng kahirapan.
Ito rin aniya ang tinatayang bilang ng mga batang hindi nakakakuha ng sapat na sustansya sa pagkain dahil na rin sa salat na pamumuhay ng kanilang pamilya.
Giit pa ni Defensor, higit na kailangan ang P4.2-bilyong inilaan ng Kongreso sa Supplemental Feeding Program ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) para sa masustansyang pagkain at gatas ng may 1.9 milyong batang edad 2 hanggang lima sa loob ng 120 araw.
“The program targets underfed children who are not formally enrolled in kindergarten,” ayon sa mambabatas.
Bukod dito, mayroon din P3.3 bilyon naman para sa School-Based Feeding Program (SBFP) ng Department of Education (DepEd) para sa nutritious food products (NFPs) supply.
Target umano ng pondong ito na mabigyan ng masustansyang pagkain at gatas ang may 1.7 milyong mag-aaral mula kindergarten hanggang Grade 6 sa loob din ng 120 araw.
“The SBFP targets wasted and severely wasted learners, or those deemed too skinny for their age,” paliwanag ni Defensor.
“Since the shift to blended distance learning, the DepEd has substituted the SBFP’s hot meals with NFPs and fresh milk. The supplies are also now either getting picked up by parents once or twice a week from designated collection points or getting delivered to the homes of children,” pahabol pa niya. (BERNARD TAGUINOD)
