CAVITE – Mahigit P7 milyong halaga ng hinihinalang shabu na nakalagay sa isang package na idineklarang “stuffed toys” ang nasamsam matapos maaresto ang isang babae na tumanggap nito sa Bacoor City, noong Martes ng hapon.
Kinilala ang arestado na si Noelle Denise Azul, 29, dalaga, habang pinaghahanap ang kaibigan nito na si Octavia Dela Cruz, 30, dalaga, kapwa residente ng Brgy. Queens Row Central, Bacoor City, Cavite.
Ayon sa ulat, isang package mula sa London ang dumating noong Setyembre 23, 2022 na nakapangalan kay Dela Cruz at idineklarang “Baby Soft Toys” pero nang dumaan ito sa X-ray inspection at K9 sniffing dogs, lumabas na kahina-hinala ito at may indikasyon na may nakasilid na droga.
Muling ipinadaan ang nasabing bagahe sa Rigaku Progency ResQ FLX Chemical Analyzer at nakumpirmang naglalaman ito ng methamphetamine hydrochloride o shabu.
Dahil dito, nagsagawa ng controlled delivery operation ang mga awtoridad, sinundan hanggang sa delivery address sa #187 Queen’s View St., Brgy. Queen’s Row Central, Bacoor, Cavite na nagresulta sa pagkakaaresto kay Azul sa aktong tinatanggap ang nasabing package dakong alas-5:50 ng hapon.
Si Azul ay binigyan ng authorization ni Dela Cruz na tumanggap sa nasabing package.
Nakuha sa lugar ang isang package na naglalaman ng dalawang light green stuffed toys at bawat isa nito ang may laman na tatlong blue na plastic bag na naglalaman ng kabuuang 1,140 gramo ng hinihinalang shabu na may street value na 7,866,000; anim na identification cards at isang unit ng Huawei cellular phone.
Patuloy ang isinasagawang imbestigasyon sa sender ng nasabing package na pansamantalang hindi ibinunyag ang pagkakakilanlan. (SIGFRED ADSUARA)
