P70-P80 kada litro sa mga lalawigan ABOT-LANGIT NA PRESYO NG LANGIS

LALO pang lumakas ang panawagan para sa agarang suspensyon sa pangongolekta ng pamahalaan sa excise tax ng mga produktong petrolyo, kasunod ng batikos sa umano’y mala-gintong presyo ng langis sa malalayong lalawigan.

Giit ni Baguio City Rep. Mark Go, labis na pahirap na ang dulot ng lingguhang taas-presyo ng mga kumpanya ng langis sa mga konsyumer at negosyante sa malalayong lalawigan kung saan aniya higit na mataas ang presyo kada litro sa bentahan ng gasolina, krudo at kerosene.

Sa kanyang House Resolution 2320, pormal na hiniling ni Go kay Pangulong Rodrigo Duterte na agad suspendehin ang nasabing buwis hangga’t hindi pa bumabalik sa antas noong Agosto ang presyo ng mga produktong petrolyo sa merkado.

Sa pagtatala ng mambabatas, lumalabas aniyang P8.40 kada litro na ang itinaas sa presyo ng gasoline mula pa nitong buwan ng Agosto, habang P9.15 naman ang dagdag presyo para sa krudo samantalang P8.65 na umento naman sa kerosene.

“In Northern Luzon, particularly in Baguio City, the average new price per liter of unleaded gasoline is P68.75 and diesel at P54.16,” aniya.

May ilang lugar din aniya sa bandang hilaga ng Luzon kung saan pumapalo sa P80 kada litro ang gasoline at P70 kada litro naman sa krudo.

“In Southern Luzon, around P74 and diesel P61 per liter. In Visayas, unleaded gasoline is near P74, and diesel near P65 per liter; and in Mindanao near P75 per liter and more than P70 per liter, respectively,” pagsisiwalat naman ni Bayan Muna partylist Rep. Carlos Zarate.

Hindi rin aniya malaking kawalan sa gobyerno ang buwis sa pagsususpinde ng excise tax kung ang kapalit naman nito’y kaginhawaan ng mamamayan.

Sa kwenta ng pamahalaan, aabot sa P115 bilyon ang inaasahang mawawala sa koleksyon ng gobyerno mula sa excise tax na ibinabayad ng mga kumpanya ng langis sa bansa. (BERNARD TAGUINOD)

162

Related posts

Leave a Comment