NASABAT ng Bureau of Customs and Clark Inter-Agency Drug Interdiction Task Group (CRK-IADITG), sa pangunguna ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Region III, ang high-value shipment ng methamphetamine hydrochloride (shabu) na tinatayang P75,072,000.00 ang halaga, sa isinagawang airport interdiction operation sa Federal Express (FedEx) Warehouse sa Clark Freeport Zone, Mabalacat, Pampanga.
Ayon sa mga awtoridad, dakong alas-5:27 ng hapon nang makumpiska ang kahina-hinalang parcel na idineklarang “Industrial Water Chiller” na may tracking number 883725003206, na ipinadala mula sa Mexico at naka-consigne sa address sa Cainta, Rizal.
Sa isinagawang inspeksyon, nadiskubre ng mga awtoridad ang 11.04 kilograms ng hinihinalang shabu na nakatago sa loob ng shipment.
Dalawang suspek ang nadakip sa operasyon na kinilalang sina alyas “Dexs”, 52, ng Cebu; at “Maca”, 54, ng Tarlac.
Ang dalawa ay mahaharap sa kasong paglabag sa Sections 4, 11, at 20, ng Article II ng Republic Act 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002).
Samantala, nangako ang CLARK-IADITG na lalo pang paiigtingin ang operasyon alinsunod sa whole-of-nation approach sa ilalim ng direktiba at bisyon ng Bagong Pilipinas campaign ni President Ferdinand R. Marcos Jr., laban sa ilegal na droga.
(DANNY QUERUBIN)
113 