UMAASA ang National Risk Reduction and Management Council na gaganda na ang panahon hanggang sa susunod na linggo, ayon sa pagtataya ng state weather bureau, kaya agad naglunsad ng Rapid Damage Assessment and Needs Analysis (RDANA) ang Office of Civil Defense (OCD) sa apektadong mga lugar at rehiyon na dinaanan ng Super typhoon Pepito, ang panghuli sa hilera ng apat na bagyo tumama sa Luzon.
Ayon sa PAGASA, posibleng gumanda na ang panahon hanggang sa susunod na linggo bagama’t may posibilidad na isa hanggang dalawang sama ng panahon ang tatama sa bansa sa buwan ng Disyembre
Kaya agad nagsagawa ng RDANA ang OCD para matukoy ang lawak ng naging pinsala ng nagdaang bagyo sa bansa partikular sa area ng Luzon. Kinabibilangan ito ng mga bagyong ‘Marce’ (Yinxing), ‘Nika’ (Toraji), ‘Ofel’ (Usagi), at ‘Pepito’ (Man-Yi).
Paliwanag ni OCD-OIC Assistant Secretary for Operations Cesar Idio, ang RDANA ay isang mekanismong ginagamit upang matukoy ang lawak ng pinsala at mga pangangailangan ng apektadong mga komunidad.
Kaugnay nito, dalawang Blackhawk helicopter ng Philippine Air Force ang ipinadala sa Region 5, partikular sa Catanduanes, upang magsagawa ng aerial survey at maghatid ng inisyal na relief items sa nasabing probinsya.
Samantala, iniulat din ni Asec. Idio na nakaranas ng power interruption ang Region 3, partikular sa mga lalawigan ng Tarlac, Aurora, at Nueva Ecija, dulot ng bagyo.
Sinasabing nag-iwan ng kabuuang P40,675,916.70 na halaga ng pinsala ang huling apat na bagyong tumama sa Pilipinas, ayon sa National Electrification Administration (NEA).
Batay sa report na inilabas ng NEA Disaster Risk Reduction and Management Department (DRRMD), mayroong 21 probinsya mula sa pitong rehiyon sa buong bansa ang regular na binabantayan matapos maiulat ang labis na pinsalang iniwan ng apat na bagyo.
Iniulat ng mga electric cooperative sa naturang mga probinsya na napinsala ang ilang transmission lines at transmission facilities sa pagbayo ng naturang mga bagyo.
Umabot naman sa mahigit P750 million ang halaga ng naitalang pinsala ng nagdaang mga bagyo sa imprastraktura.
Ayon sa ulat ng Department of Public Works and Highways (DPWH), P290 million ang halaga ng nasirang mga kalsada, mahigit P14 million ang pinsala sa mga tulay habang mahigit P446 milion ang danyos sa flood control structures.
Sa ngayon, nasa 21 kalsada pa sa Luzon ang hindi madaanan dahil sa epekto ng paghagupit ng Bagyong Nika, Ofel at Pepito.
Ito ay sa Ilocos Norte, Apayao, Benguet, Ifugao, Nueva Vizcaya, Pangasinan, Isabela, Cagayan, Quirino Province, at Aurora.
Karamihan ay dahil sa lubog pa rin sa baha, gumuhong lupa, at bumagsak na mga puno. (JESSE KABEL RUIZ)
84