KAALAMAN ni MIKE ROSARIO
DAHIL sa walang tigil na pagtaas ng presyo ng mga bilihin, iginiit ng mga manggagawang Pilipino na panahon na para itaas ang kanilang sweldo.
Ayon sa kanila, mula nang manungkulan si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., 28% ng sahod ng mga manggagawa sa buong bansa ang nalusaw dahil hindi nito mapigilan ang pagtaas ng presyo ng mga bilihin.
Sinabi ni Gabriela Party-list Rep. Arlene Brosas, kailangang igiit na ng mga manggagawang Pilipino na ipasa ang panukalang batas para sa P750 across the board wage increase sa buong bansa.
Ayon pa sa mambabatas, ang inaprubahang ng mga regional wage board ay barya-barya at installment pa sa (ibang rehiyon).
Sa National Capital Region (NCR), P40 lamang ang ibinigay na umento; P30 sa Cagayan Valley na hinati pa sa dalawang bigayan; P40 sa Central Luzon, at sa Socsargen ay P35 na hindi buo kundi dalawang bigayan din.
Umabot lamang sa P30 hanggang P35 ang taas sweldo sa mga manggagawa sa Ilocos Region; P30 sa Western Visayas habang sa Calabarzon o Cavite, Laguna, Batangas, Rizal at Quezon ay P35 hanggang P50.
Kung kaya’t kailangan nang maipasa ang panukalang batas na magkaroon ng legislative wage increase dahil wala umanong maaasahang makatarungang sahod mula sa mga regional wage board.
Ayon pa sa kanya, walang dahilan para iantala ito (P750 across the board wage increase) sa Kamara.
Hindi naman pinansin ni Brosas ang pananakot ng malalaking grupo ng mga negosyante na maraming negosyo ang magsasara dahil sa nasabing panukalang umento.
Binanggit pa ng mambabatas, katunayan ay payaman nang payaman ang mga negosyante kahit noong panahon ng pandemya.
Ang bagong minimum wage rate ngayon sa Metro Manila ay nasa P610 mula sa dating P570 para sa non-agriculture.
Nagkakahalaga naman ng P573 ang bagong minimum wage rate (Metro Manila) mula sa dating P533 para sa agriculture (plantation & non-plantation); P573 mula sa dating P533 para sa service or retail establishments with 15 employees or less; at P573 mula sa dating P533 para sa manufacturing companies with less than 10 workers as of July 7, 2023.
558