MATAGUMPAY na nasabat ng Bureau of Customs (BOC), Sub-Port of General Santos, ang 17,000 reams ng Fort brand cigarettes at tatlong close van vehicles, na tinatayang P9,100,000 ang halaga noong Agosto 24, 2023, sa Brgy. Bawing, General Santos City.
Ang nasabing operasyon ay isinagawa sa malapit na koordinasyon ng Bureau’s Customs Intelligence Investigation Service (CIIS) and Enforcement Security Service (ESS), at sa pakikipagtulungan ng Task Force Gensan Bawing Detachment and Intelligence Operatives ng Armed Forces of the Philippines (AFP).
Ang items ay kinumpiska bilang bahagi ng kampanya upang pigilan ang kontrabandong sigarilyo mula sa pagpasok sa General Santos City at iba pang bahagi ng Region 12, mula sa mga baybayin ng Municipality of Maasim.
Ang intelligence-driven operation na ito ay resulta ng pakikipagtulungan ng AFP, bilang bahagi ng direktiba ni Deputy Commissioner of Intelligence Group, Juvymax R. Uy.
Kasunod ng pagkakaharang ng naturang kontrabando, isang warrant of seizure and detention (WSD) ang inirekomenda para sa pagkumpiska ng nabanggit na kalakal.
Samantala, inihahanda na ng BOC ang kaukulang criminal charges laban sa mga responsable sa ilegal na aktibidad.
Kaugnay nito, ang Port of Davao at kanilang sub-ports, sa ilalim ng pamumuno ni District Collector Maritess Martin, ay nangako sa kanilang pinaigting na kampanya laban sa illegal importation of goods na papasok sa bansa.
Ang pagsisikap na ito ay isinagawa sa pakikipagtulungan sa partner regulatory and enforcement agencies, at ito ay nakalinya sa priority programs ni Commissioner Bienvenido Rubio.
(JOEL O. AMONGO)
358