P9.1 MILYON UNREGISTERED VAPE NAKUMPISKA SA CHINESE NATIONAL

KALABOSO ang isang Chinese National makaraang salakayin ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ang kanyang bodega sa Marilao, Bulacan.

Sinabi ni CIDG Director P/Major Gen. Nicolas Torre, na ikinasa ang operasyon noong Martes ng hapon sa Brgy. Prenza kung saan nakumpiska ang assorted unregistered na mga vape product na nasa 26,000 piraso at nagkakahalaga ng P9.1 milyon.

Ayon kay Torre, ang pagsalakay sa bodega ng hindi rehistradong vape ay alinsunod sa direktiba ni Philippine National Police (PNP) Chief P/Gen. Rommel Francisco Marbil para sa kaligtasan ng bawat komunidad mula sa impluwensya ng masamang bisyo.

Kinumpiska ng mga otoridad ang mga produkto nang mabigong magpakita ng permit sa Department of Trade and Industry (DTI) ang Chinese na nagmamay-ari umano nito.

Irereklamo sa Prosecution Service dahil sa paglabag sa Republic Act 11900 o ang Vaporized Nicotine and Non-Nicotine Products Regulation ang Chinese National na ngayon ay nakapiit sa CIDG Field Unit 3 sa Bulacan.

(TOTO NABAJA)

45

Related posts

Leave a Comment