PINANGUNAHAN mismo ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., ang pagwasak sa nakumpiskang mga ilegal na droga na nagkakahalaga ng P9,484,134,038.62 sa Clean Leaf International Corporation sa lalawigan ng Tarlac.
Ayon kay PBBM, talagang tinutukan niya ang pagwasak ng mga kontrabando para matiyak na hindi na ito mare-recycle at ikalat sa merkado.
Nais masiguro ng Pangulo na dumaan sa testing hanggang sa mailagay na sa incinerator para wasakin ang bulto-bultong illegal drugs, at isasapubliko ng media para maiwasan ang mga pagdudududa na ito’y napalitan o ni-recycle.
Kasama ng Pangulo si Interior Secretary Jonvic Remulla sa nasabing drug destruction nitong Miyerkoles, sa 3,000 kilograms ng shabu, marijuana, cocaine, at ecstasy.
Sinabi ng Pangulo, pumunta siya sa lalawigan ng Tarlac upang makita kung ano ba talaga ang buong sistema mula sa pagkahuli ng mga droga, pagtetesting hanggang sa huli ay pagsira sa nahuling mga ilegal na droga.
“Kaya’t dahil kailangan tiyakin natin na ‘yung mga nahuling drugs ay talagang sinisira at wala nang pag-asa na bumalik pa, na mabenta pa, na makuha, ibang ire-report at ialam naman natin kung ano ‘yung mga ibang mga ibang pangyayari na nakikita natin,” ayon sa Pangulo.
“Kaya’t that’s why I’m here today just to see how the system works para very very solid ‘yung system natin from the capture and of the illegal drugs all the way until the destruction of the illegal drugs also,” sabi pa ni PBBM.
Samantala, ipinagmalaki ni PBBM ang tagumpay ng gobyerno sa “bloodless” anti-narcotics drive sa nakalipas na tatlong taon.
Dahil dito, inatasan ni Pangulong Marcos ang mga tagapagpatupad ng batas na agad na sirain ang kontrabando para masupil ang tsansang ma-recycle ang mga ito at mabili muli sa mga lansangan.
Tinukoy ang P62 bilyong halaga ng shabu (crystal meth) na nasamsam ng mga awtoridad sa mga operasyon kabilang na nalambat ng mga lokal na mangingisda.
Sa katunayan, nagbigay ng direktiba si Pangulong Marcos matapos inspeksyunin ang 1,304 kilo ng shabu na nagkakahalaga ng P8.871 billion na natuklasan ng mga mangingisda na lulutang-lutang sa baybaying-dagat ng Gitnang Luzon, Ilocos at Cagayan Valley region kamakailan.
Naka-iskedyul din para sirain ang 226.043 kilo ng assorted dangerous drugs na nagkakahalaga ng P609 million, na nasamsam sa magkahiwalay na operasyon at ipinag-utos na wasakin ng iba’t ibang korte.
Sinabi pa ng Pangulo, ang mga pakete ng shabu na na-recover sa labas ng lalawigan ng Zambales, Ilocos Sur, Ilocos Norte, Pangasinan and Cagayan ay itinuturing na pinakamalaking ‘drug haul’ sa nakalipas na anim na buwan.
“In the last three years, we have been able to interdict P62-billion worth of methamphetamine that we seized, which is the largest considering the time that we are putting it under the past three years,” ayon sa Pangulo.
“We are hitting the drug trade at the highest level and at the lowest level, and we are beginning to see some measure of success. So, we will continue this,” aniya pa rin.
Kaya nga, hinihikayat nito ang Philippine National Police at iba pang law enforcement agencies na ituloy lamang ang giyera laban sa ilegal na droga sa mapayapang paraan.
(JESSE KABEL RUIZ)
