INANUNSYO ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. nitong Lunes ang pag-veto sa ilang items sa ilalim ng Unprogrammed Appropriations (UA) na may kabuuang P92.5 bilyon sa 2026 national budget na inaprubahan ng Kongreso.
Sa kanyang talumpati sa paglagda ng 2026 General Appropriations Act (GAA) na nagkakahalaga ng P6.793 trilyon, iginiit ni Marcos na ang UA ay dapat gamitin lamang sa ilalim ng malinaw na tinukoy na mga kondisyon at may sapat na pananggalang upang maiwasan ang maling paggamit ng pondo.
“To ensure that public funds are expended in clear service of national interests, I vetoed several items of appropriations with their purposes and corresponding Special Provisions under the UA, totaling almost PhP92.5 billion,” pahayag ng Pangulo.
Kinilala ni Marcos ang suporta ng Kongreso sa paglilimita ng UA sa mahahalagang pangangailangan at sinabi niyang mas binawasan pa niya ito sa pinakamababang antas mula noong 2019.
“Let me be clear: the Unprogrammed Appropriations are not blank checks. We will not allow the Unprogrammed Appropriations to be misused or treated as a backdoor for discretionary spending,” ani Marcos.
Dagdag pa niya, ang paggamit ng UA ay may kasamang mga pananggalang at maaari lamang ilabas kapag natugunan ang malinaw na tinukoy na mga “triggers and tests” at matapos ang masusing beripikasyon.
Samantala, tiniyak din ng Pangulo na ang ipamamahaging pinansiyal at iba pang uri ng tulong ng gobyerno ay makararating sa mga benepisyaryo at hindi gagamitin sa political patronage.
Ito ay kasunod ng paglagda niya sa P6.7-trilyong pambansang pondo para sa 2026. Sa kanyang talumpati, binigyang-diin ni Marcos na may probisyon ang GAA na nagbabawal sa mga politiko na makilahok sa pamamahagi ng anomang uri ng tulong.
(CHRISTIAN DALE)
27
