NASA 14 kilo ng methamphetamine hydrochloride o mas kilala sa tawag na shabu, na tinatayang P97 milyon ang halaga, ang nasabat sa dalawang South African nationals nitong Biyernes ng madaling araw sa isinagawang joint operation sa NAIA Terminal 3.
Ang joint anti-narcotics operation ay isinagawa ng NAIA International Airport Drug Interdiction Task Group (IADITG), katuwang ang mga operatiba ng Philippine Drug Enforcement Agency matapos madiskubre ng Bureau of Customs x-ray inspector ang kahina-hinalang laman ng mga bagahe na dala ng mga suspek.
Nabatid matapos na dumaan sa X-Ray examination ay sumailalim ito sa K9 inspection na nagpatunay na mayroong ilegal na droga sa bitbit ng isang babae at isang lalaki mula sa South Africa, kaya sinuri ito ng mga tauhan ng PDEA for confirmatory analysis.
Nang buksan ng mga awtoridad ang mga bagahe ay natagpuan ang white crystalline substance na kalaunan ay nagpositibo bilang methamphetamine hydrochloride o shabu. Ang kabuuang bigat ng droga ay tinatayang 14,396 gramo, na may halagang P97,892,800.
Sa imbestigasyon, inihayag ng dalawang hinihinalang bigtime drug personalities na inimbitahan sila ng isang kaibigang Nigerian mula sa South Africa para sa isang all-expenses-paid na biyahe patungong Pilipinas at iniutos sa kanila na makipagkita sa isa pang Nigerian pagdating sa Pilipinas.
Nakumpiska rin ng mga awtoridad ang mga cellular phone, dokumento ng paglalakbay, at identification cards ng mg suspek.
Ang mga suspek ay haharap sa mga kasong paglabag sa Seksyon 4 ng Art. II ng RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002, na may kinalaman sa importasyon ng mapanganib na droga.
Ang kasong ito ay may parusang habambuhay na pagkakakulong at multa mula P500,000 hanggang P10 milyon. (JESSE KABEL RUIZ)
