Paalala sa mga aplikante FIXERS, PADRINO EKIS SA PAGPASOK SA PNP

BINALAAN ng Philippine National Police ang mga nagnanais maging pulis na huwag dumaan sa padrino o fixers sa pag-aapply sa serbisyo.

Ang paalala ay inilabas kasunod ng inilabas na recruitment quota ng PNP para sa 2026 na umaabot sa mahigit 7,000 bakanteng posisyon sa buong bansa.

Ayon sa pambansang kapulisan, libre ang buong proseso ng recruitment kaya dapat i-report agad ang sinumang indibidwal na nagpapakilalang may koneksyon sa loob ng PNP o nag-aalok ng “shortcut” kapalit ng bayad.

Nabatid na may 6,178 vacancies para sa mga Police Regional Offices kung saan 1,700 slots ang nasa ilalim ng regular quota at 4,478 naman sa attrition quota.

Mayroon ding 946 bakanteng posisyon para sa mga unit ng National Support Units.

Pinakamalaking bilang ng slots ang inilaan sa National Capital Region Police Office na may 783 vacancies, na sinundan ng mga police regional offices sa CALABARZON, Central Luzon, Bangsamoro at Bicol.

Tiniyak ni Police Director General Jose Melencio Nartatez Jr., hepe ng PNP, na pantay na pagkakataon ang ibibigay sa lahat ng aplikante at mananatiling transparent at patas ang proseso ng recruitment.

Hinikayat naman ng PNP ang mga interesado na subaybayan ang opisyal na Facebook page ng PNP Recruitment and Selection Service para sa anunsyo ng pagsisimula ng recruitment at pagsusumite ng requirements.

Iginiit ni Nartatez na walang dapat bayaran sa pag-aapply at dapat i-report agad ang sinumang manghihingi ng pera o mag-aalok ng mabilis na appointment kapalit ng bayad.

(JESSE RUIZ/TOTO NABAJA)

84

Related posts

Leave a Comment