Paalala sa mga estudyante MAG-ARAL KAHIT HINDI FACE-TO-FACE CLASSES

MAHALAGANG ipagpatuloy ang pag-aaral kahit sa panahon ng pandemya na hindi pwede ang face-to-face classes.

Paalala ito ng isang mambabatas sa mga estudyante sa Siniloan, Laguna sa isang aktibidad noong Miyerkoles.

Sa naturang aktibidad sa Siniloan town plaza ay namahagi ang tanggapan ni Senator Christopher “Bong” Go ng tulong sa may 300 benepisyaryong mag-aaral na nakatanggap ng pagkain, bitamina, masks, at face shields. Tiniyak namang nasunod ang health at safety protocols laban sa COVID-19.

“Sa mga estudyante mag-aral ho kayo nang mabuti. Bagama’t hindi pa po tayo face-to-face learning sa ngayon dahil delikado pa po ang panahon. Pinag-aaralan pa po ng gobyerno dahil delikado po itong COVID-19 at talaga pong nakakahawa, lalung-lalo na po itong Delta variant na four times more contagious,” mensahe ni Go para sa mga kabataan.

“Ang importante po, tuluy-tuloy po ang kaalaman ng ating mga kababayan at makapagtapos po ng pag-aaral. Pakiusap ko lang po sa mga kabataan para sumaya ang inyong mga magulang, mag-aral ho kayo nang mabuti at kayo po ang kinabukasan ng bayang ito,” aniya pa.

Namahagi rin si Go sa ilang piling estudyante ng computer tablets, sapatos at bisikleta upang mapapakinabangan nila sa kanilang pag-aaral at pagbiyahe ngayong limitado pa ang mga pampublikong transportasyon.

Ang Department of Social Welfare and Development naman ay namigay ng financial assistance sa mga benepisyaryo habang nagpaabot din ng dagdag na tulong ang local government unit ng Siniloan.

Sa kanyang video message, nagpaabot din si Go, na siya ring chairperson ng Senate Committee on Health and Demography, ng pag-aalala para sa mga Pinoy na nagdadalawang-isip pang magpabakuna.

Umapela rin siya sa publiko ng suporta at tiwala sa national vaccination drive at hinikayat ang mga ito na kaagad nang magpabakuna upang maprotektahan sila laban sa COVID-19.

Pinayuhan din niya ang mga ito na humingi ng medical care sa San Pablo City General Hospital sa San Pablo City o sa Laguna Medical Center sa Sta. Cruz kung saan mayroong mga Malasakit Center na handang tumulong sa kanila para sa kanilang hospital at iba pang medical-related expenses. (ESTONG REYES)

330

Related posts

Leave a Comment