IHAHATID na sa huling hantungan ang namayapang track and field legend na si Lydia “Diay” de Vega ngayong alas 10 ng umaga sa Pandayan Memorial Park sa Meycauayan, Bulacan.
Inilipat ang labi ng 57-anyos na si De Vega sa sinilangang bayan na Meycauayan noong Lunes, isang linggo matapos siyang pumanaw dahil sa breast cancer.
Ibinurol ang tinaguriang Asia’s Fastest Woman sa Heritage Park, Taguig kung saan siya binigyang pugay ng mga kilalang personahe sa sports at mga opisyal ng bansa sa pangunguna ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.
Nakiramay rin ang mga kapwa niya atleta at alamat sa daigdig ng palakasan tulad nina bowling greats Paeng Nepomuceno at Olivia Bong Coo, long jump queen Elma Muros-Posadas, at chess GM Eugene Torre. Maging ang kanyang matagal na naging karibal sa pagiging “Asia’s Sprint Queen” na si P.T. Usha ng India ay nagparating din ng pakikiramay sa mga naulila ni Diay. (EDDIE G. ALINEA)
