MAY punto si Manila Mayor Francisco ‘Isko Moreno’ Domogoso sa pagtatanong nito na kung ‘black sand’ kaya ang itinatambak ngayon sa Manila Bay ay uulanin din kaya ito ng mga batikos mula sa oposisyon at mga nagpapakilalang environmentalists?
Tanong ito ng alkalde dahil sabi nga ng mga millennials, parang hindi maka-let go ang maraming mga tumututol sa white sand makeover sa baybayin ng Manila Bay bilang bahagi ng proyektong rehabilitasyon.
Hindi mo rin maiaalis kay Yorme Isko na paboran ang proyektong ito ng Department of Environment and Natural R esources o DENR dahil sino ba naman ang aayaw sa proyekto kung ang layunin naman ay ang ikagaganda ng lungsod na kaniyang pinamumunuan.
Kahit pa marami ang kritiko sa pagtatambak ng white sand para maging mala-Boracay ang Manila Bay, iginiit ng Manila Mayor na hindi siya tututol sa proyekto ng DENR maliban na lang kung may magpalabas ng isang detalyado at siyentipikong pag-aaral na makasisira sa kalikasan at kalusugan ang dinurog na dolomite na siyang itinatambak ngayon doon para maging white sand.
Ang hindi lang maintindihan ng alkalde ay bakit sangkatutak ang atensyon na ibinibigay sa proyekto ng mga kritiko gayung halos dalawang taon na itong pinanukala at pinondohan pa mismo ng Kongreso. Kaya nga ang tanong ni Yorme, paano kung black sand may tututol at mag-iingay kaya sa proyekto?
Hindi talaga maalis-alis na ugali sa iba sa atin ang pagiging talangka. At marami niyan sa mga pulitiko at mga naka-upo sa pwesto o nasa poder ng kapangyarihan. Minsan nag-iisip ang isang simpleng Filipino, bakit mayroon tayong kapuwa Filipino na tila ayaw umusad at sumulong ang ating bansa?
Wala naman masama na tumutol at magbigay ng reaksyon pero halatang-halata din kasi na ang paraan ng pagbibigay ng komento ng ilang mga pulitiko ay yung ‘mema’ lang. As in may masabi lang.
Tama po ba Vice President Leni Robredo?
oOo
Nag-aalburuto ngayon ang maraming mga taga-Quezon City dahil sa plano ni Mayor Joy Belmonte na maglagay ng quarantine facility sa bawat barangay ng lungsod.
Kapag may quarantine facility raw ang bawat barangay ay doon na lang dadalhin ang mga residente na positibo sa covid-19 at hindi na makikipag-agawan pa sa ibang facilities na itinayo ng pamahalaan maging ng pribadong sektor at iba pang grupo na katuwang sa tinatawag na Bayanihan.
Mukhang hindi na naman nag-iisip si Mayor Belmonte! Paano ka maglalagay ng quarantine f acility sa isang barangay kung ang lugar halimbawa na paglalagyan ay pinalilibutan ng mga residente na walang record o kaso ng COVID-19?
Eh di parang nag-imbita ka lang din ng virus doon sa lugar na negatibo dahil sa posibilidad na makahawaha ang mga dadalhin doon na mga positibo sa sakit? Talaga yatang ayaw umalis ni Mayor Belmonte ang QC sa pagiging ‘epicenter’ ng COVID-19 sa buong Pilipinas. Wow!
Sa kasalukuyan ay panay ang pagpapapirma ngayon ng mga concerned citizens mula sa Barangay Culiat, Pasong Tamo, Tandang Sora, Sauyo at maging iba pang lugar sa QC dahil na naman sa iresponsable at hindi maingat na planong ito ng alkalde ng QC.
Kung sa ibang lungsod sa Metro Manila ay nagawa nilang makakuha ng eksaktong lugar na isolated para doon dalhin ang mga COVID-19 patients, bakit hindi ito magawa sa QC? Ayaw namin mga taga-QC na mag-isip na baka mayroon na naman gustong kumita sa proyektong ito. Ayaw rin naming isipin na hanggang diyan lang ang kayang arukin ng pag-iisip ng mga taga City Hall sa pangunguna ni Mayor Belmonte.
