PAANO MAGPARAMI NG DOKTOR AT NARS

KUNG hindi pa dahil sa pandemya, hindi marahil napagtanto ng pamahalaan ang mabilis na pagnipis ng hanay ng mga doktor, nars at iba pang healthcare workers na mas pinipili na lamang makipagsapalaran sa ibang bansa kung saan mas malaki ang kita bukod pa sa pagpapahalaga sa kanila.

Kung hihimayin ang ­konstitusyon, nakasaad sa ilalim ng kategoryang “Bill of Rights” ang probisyong nagsusulong ng kalusugan – ke-sehodang may pera o maralita.

Ang masaklap, hindi naman ganun ang nangyayari sa reyalidad. Dangan naman kasi, lamang sa lahat ang may pera. Sa mahal ng gamot, mga mayaman lang ang nabibigyan ng lunas. Ang mga pobre – nganga, habang umaasang magkakaroon ng isang himala!

Ito mismo ang dapat na tutukan ng mga kandidatong puntiryang makasungkit ng pwesto sa gobyerno. Hindi sapat ang puro dada. Ang dapat maupo ‘yung totoong may gagawing tama.

Sa ika-limang distrito ng lungsod ng Quezon, may isang kandidato sa posisyon ng kongresista ang nakitaan ko ng mainam na plataporma. Sa totoo lang, hindi ko kilala si Rose Lin – ni hindi ko pa nga siya nakaharap kahit minsan, pero napabilib ako sa kanyang plano sa nasasakupang distrito.

Tama ang kanyang tinuran sa isang panayam na na­pakinggan ko kamakailan lang. Wika ni Lin, mas kilala sa tawag na Ate Rose, hindi angkop na sapat lang sa pangkain araw-araw ang kita ng isang pamilya. Aminado rin naman siyang hindi ganun kadali ang proseso para sa umento ng mga manggagawa.

Kaya naman marahil na­isip niyang isulong ang isang scholarship program na para lang sa mahirap at masikap na mag-aaral. Hindi na kailangan ang mataas na antas ng maintaining ­average na karaniwang kalakip na kondisyones ng scholarship programs ng pamahalaan.

Pero teka, hindi lang basta libreng edukasyon mula sa unang baytang hanggang kolehiyo ang kanyang isinusulong kundi ang full grant scholarship sa mga kursong tulad ng medisina, nursing at iba pang may kinalaman sa kalusugan.

Bakit kamo? Dapat aniyang paramihin ang healthcare workers sa bansa upang ­tiyaking may tutugon sa mga suliranin sa kalusugan ng kanyang mga kababayan sa panahong hindi inaasahan.

Sakaling bwenasin at ­maging kinatawan ng ikalimang distrito, kabilang din sa kanyang prayoridad ang isang pagamutang bayan – pero hindi basta pagamutan lang, kundi isang tertiary hospital na may kakayahang tumugon sa mas maraming tao, kumpleto sa makabagong kagamitan, mayroong libreng laboratoryo at pinamamahayan ng mga pinakamahusay na medical professionals.

Higit sa lahat, bukas kahit sa walang pera.

‘Yan ang dapat. Hindi sapat ang pwede na. Dapat pwedeng-pwede!

(Si Fernan Angeles ay ­editor-at-large ng SAKSI Ngayon)

175

Related posts

Leave a Comment