SA ulat ng Philippine Statistics Authority (PSA), bumagal sa 5.4% ang inflation rate o antas ng pagtaas ng presyo ng mga bilihin nitong Hunyo mula sa 6.1% noong Mayo. Pero nakahinga ba nang maluwag ang mamamayan at ramdam ito ng mamimili?
Bumagal lang ang antas ng pagtaas ng presyo ang nangyari pero hindi nangangahulugang bumaba ang presyo ng bilihin kaya ang mga mamimili ay nasa estado na naman ng paghihintay sa tunay na sitwasyon. Hindi rin ito nagpapahiwatig na maganda ang mangyayari sa presyo ng mga bilihin.
Ang pagbagal sa pagtaas sa presyo ng bilihin at serbisyo ay bunsod umano ng political will at maayos na economic policies ng Marcos Administration. Pero, ano nga ba ang mga ginagawang hakbang at polisiya ng pamahalaan upang gawing abot-kaya ang mga bilihin?
Mula sa 8.7% inflation rate noong Enero 2023, bumaba ang inflation sa 6.1% noong Mayo at bumagal sa 5.4% nitong Hunyo, na ayon sa PSA ay ang pinakamababang naitala sa nakalipas na 15 buwan.
Dapat bang maging kampante ang mga mamimili sa pakunswelong istatistika ng PSA.
Kung maiging aanalisahin ang palabas ng ahensiya ay may mamumuong suspetsa na pabango ito sa administrasyon lalo na’t papalapit na ang SONA.
Matapos ibalita na bumagal ang antas ng inflation ay lumabas ang ulat na bumaba sa 4.3 ang mga Pilipino na walang trabaho nitong buwan ng Mayo. Ito ay mas mababa sa 4.5% na antas ng kawalang trabaho noong nakaraang Abril.
Ang mga walang trabaho noong Mayo ay katumbas ng nasa 2.17 milyong Pilipino na bahagi ng 50.43 milyong labor force na kung saan ay nasa 48.26 milyon ang may trabaho. Nangangahulugan na ang
employment rate ay 95.7%.
Gumanda ang porsyento ng mga may trabaho, ngunit ano ang katayuan ng kanilang pamumuhay kung ang batayan ay sweldo, benepisyo at seguridad at lawak ng pagtatrabaho.
Hindi pa rin maiiwasan ang paghihigpit ng sinturon.
Dapat pagtuunan ng pansin ng pamahalaan ang tama at tunay na sitwasyon at kalagayan ng mga tao dahil ito ang mahalagang basehan para ilatag ang hakbang tungo sa totoong solusyon sa problema.
Ang magagandang datos na isinapubliko ay huwag sanang gawing pangwisik ng pabango.
